Hunk actor mali-mali na nga ang Ingles, may ‘f & p syndrome’ pa
NU’NG minsan palang imbitahan sa isang kilalang kolehiyo ang isang hunk actor ay malapit nang mahulog sa silya ang mga estudyante dahil sa kanyang mga sagot sa mga tanong ng mga kolehiyala.
Espesyal na panauhin ang hunk actor para magkuwento tungkol sa lokal na aliwan, tungkol sa kanyang pag-aartista, ang pinakabuod ng imbitasyon ay para sagutin niya ang pang-uusisa ng mga estudyante kung masarap bang maging artista?
May mga tanong din sa kanya tungkol sa monetaryong kapalit ng pag-arte, kung sapat na bang ikabuhay ang pag-aartista, maraming-marami pang ibang katanungan.
Kuwento ng aming source, “Mag-isa lang siyang nakaupo sa stage ng audio-visual room, kaya nasa kanya ang attention ng lahat. Inglisera ang mga kolehiyala, pero may mga nagtatanong pa rin sa Tagalog, kaya Taglish dapat ang isasagot ni ____ (pangalan ng hunk actor).
“Kaso, bukod sa pala-English na talaga siya kahit nu’n pa, e, na-challenge siguro siya! Nag-umingles ang lolo n’yo nang walang puknat!
“Ang nakakaloka, e, mali-mali naman ang mga tenses niya, pati ang mga pronoun niya, nakakaloka, hindi rin niya alam kung plural o singular verb ang gagamitin niya!
“Natural, hindi siya ikokorek ng mga kolehiyala, pero nagpapakiramdaman na ang lahat, bakit kasi Ingles pa siya nang Ingles, samantalang puwede naman siyang sumagot sa sarili nating wika?
“At may P and F syndrome pala ang hunk actor na ‘yun , dahil ang term niya sa nakaraan, e, fast. Ang tawag naman niya sa suwerte, portune. Windang na windang sa kanya ang mga estudyante, sa totoo lang!
“Huwag na kasing Ingles nang Ingles kung hindi naman sigurado. Hindi naman siya Kano, Pinoy naman siya, medyo singkit nga lang ang mga eyes niya!” humahalakhak pang kuwento ng aming source.
Bradly Guevarra, magtanungan na kayo ni Tita Nene Ulanday kung sino ang Ingliserong aktor na ito na puro kapalpakan naman ang mga pinagsasasabi sa lengguwahe ni Uncle Sam, gooooo!!!!
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.