HINDI naman nasira ang rotation ng Barangay Ginebra nang magbalik ang higanteng si Gregory Slaughter noong Setyembre 9 at sa halip ay nakatulong naman ito sa Gin Kings upang magwagi.
Kaya nga lang ang hindi niya natapos ang laro dahil sa nagtamo siya ng injury sa tuhod matapos ang isang rebound play. Parang wala naman siyang nakalaban sa pagkuha ng bola subalit bigla na lang siyang tumiklop.
Hindi na siya ipinilit pa ni coach Tim Cone dahil sa baka lumala ang kung anumang nararamdaman niya.
Pero ilang araw matapos ang mga pagsusuring ginawa sa kanya ay nakita ng mga doktor na may punit ang kanyang anterior cruciate ligament sa kanang tuhod. Kakailanganin nito ng operasyon.
Puwede rin daw na hindi operahan pero kailangang ipahinga niya ng matagal.
So ganoon din iyon. Mawawala rin si Slaughter at hindi alam kung kailan makakabalik!
Siyempre, masamang balita iyon para sa mga Barangay Ginebra fans. Kasi imbes na magkaroon sila ng main weapon sa playoffs ay hindi mangyayari iyon. Kailangang punan ng iba ang hindi paglalaro ni Slaughter.
Ang tanong: Kaya ba?
Kaya naman siguro.
Nanalo naman ang Gin Kings ng anim sa unang walong laro habang hinihintay ang pagbabalik ni Slaughter buhat sa foot injury na kinailangan ding operahan. Dahil sa kapansanang iyon ay hindi nakasama si Slaughter sa Gilas Pilipinas sa nakaraang Rio Olympics qualifying tournament na ginanap sa Mall of Asia Arena.
Hindi natin alam kung ano ang puwedeng nangyari sa Gilas Pilipinas kasi baka nanalo tayo at nag-qualify sa Olympics kung hindi naoperahan si Slaughter.
Pero mukhang okay naman para sa Gin Kings na magpahinga si Slaughter dahil sa nagawa ng kanyang mga kakampi na pagtulung-tulungan ang responsibilidad. Hayun at nasiguro nga ng Barangay Ginebra ang pagkuha ng twice-to-beat advantage sa quarterfinals. Sa kasalukuyan ay nasa ikalawang puwesto sila sa likod ng nangungunang TNT KaTropa.
At kung tatalunin nila ang Tropang Texters sa kanilang sagupaan bukas sa Alonte Stadium sa Biñan, Laguna ay makakamit nila ang No. 1 spot dahil sa win-over-the-other rule.
So, okay lang na wala si Slaughter.
Sa elims. E sa playoffs?
Kasi tumataas ang antas ng kompetisyon sa playoffs. Kahit na may twice-to-beat advantage ang Gin Kings, hindi iyon garantiya na madali silang uusad sa semifinals. At sa semis ay doble ang pressure.
Sa yugtong ito kailangan talaga ng Gin Kings ang isang Slaughter! Iba siyempre kung kumpleto ang team sa playoffs.
Sayang talaga na nagkaroon ulit ng injury ang kanilang higante.
O baka naman ito ay isang tunay na pagsubok sa katatagan ng Gin Kings? Baka dahil sa pagkawala ni Slaughter at katotohanang hindi siya makakabalik sa torneo ay lumabas na ang husay ng lahat ng kanyang kakampi?
Wala na kasi silang aasahan kung hindi ang kanilang sarili.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.