Dalawang bagyo ang nasa Philippine Area of Responsibility ngayong araw. Ayon sa Philippine Atmospheric Geophysical and Astronomical Services Administration ang bagyong Ferdie ay nasa layong 150 kilometro sa kanluran-hilagang kanluran ng Basco, Batanes ngayong umaga. Napanatili ng bagyo ang hangin nito na umaabot sa 215 kilometro bawat oras malapit sa gitna at pabugsong 250 kilometro bawat oras. Bukas pa inaasahang lalabas ang bagyo. Kahapon itinaas ang signal no. 4 sa Batanes Group of Islands. Signal no. 3 naman sa Babuyan Group of Islands. Signal no. 2 naman sa Ilocos Norte, Apayao at hilagang bahagi ng Cagayan. Signal no. 1 naman sa iba pang bahagi ng Cagayan, hilagang bahagi ng Isabela, Kalinga, Abra at hilagang bahagi ng Ilocos Sur. Ngayong umaga naman inaasahang papasok ng PAR ang bagyong may international name na Malakas. Pagpasok sa PAR ito ay tatawaging Gener. Kahapon ng ang bagyo ay nasa layong 1,605 kilometro sa silangan ng Luzon. Umuusad ito ng 30 kilometro patungong kanluran-hilagang kanluran. May hangin ito na umaabot sa 75 kilometro bawat oras at pabugsong 90 kilometro bawat oras.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.