PH dragonboat team nakubra ang Ikatlong gintong medalya
HINABLOT ng dragonboat team ng Philippine Canoe Kayak Dragonboat Federation (PCKDBF) ang ikatlo nitong gintong medalya upang idagdag sa nasagwan na mga medalya nitong iuuwi matapos sumabak sa ginaganap na International Canoe Federation World Dragon Boat Championships 2016 mula Setyembre 8 hanggang 11 sa Moscow, Russia.
Ginulantang ng pambansang koponan ang mga kalaban sa 20-seater senior mixed 200m event matapos itala ang kabuuang oras na 43:641 upang agawin ang kabuuan nitong ikatlong ginto kontra sa host Russia (45:541) at Thailand (45:559). Ikaapat hanggang ikaanim ang Canada, Germany at Ukraine.
Mayroon na sa kabuuan ang delegasyon ng Pilipinas, na binubuo ng edad-18 anyos pababa na mga miyembro at nasa una nitong pagsabak sa internasyonal na torneo, ng tatlong ginto, isang pilak at dalawang tanso habang nakatakda pa itong sumagupa sa dalawang event sa long distance na 2000m sa juniors at seniors.
Matatandaang nasungkit nito ang ginto sa 10-seater junior mixed 200 meters sa pagtala ng pinakamabilis sa oras na 50.853 segundo upang talunin ang host na Russia (52.493) at Canada (53.654) pati na rin ang Ukraine, Germany at Czech Republic.
Unang hinablot ng pambansang koponan ang ginto sa unang araw ng torneo sa 20-seater senior mixed 500 meters kung saan binigo ang lima pang matitinding koponan sa torneo na kinukunsiderang kasing halaga ng katatapos lamang na 2016 Rio de Janeiro Olympics. Itinala ng Pilipinas ang kabuuang 01:55.992 oras upang talunin ang host na Russia na may isinumiteng 01:56.075 oras at ang pumangatlo na Thailand na may oras na 01:56.546.
Ipinaliwanag naman ni PCKDBF national head coach Lenlen Escollante na hindi makapagdesisyon ang koponan na sumali sa long distance dahil sa kakulangan sa miyembro hindi katulad ng ibang bansa na iba-iba ang miyembro na kanilang isinasabak sa 10 at 20 seater event.
“Hindi pa tayo makapag-compete sa long distances kasi kulang tayo sa members,” sabi ni Escollante. “Hindi naman puwede na iyong nasa sprint distances natin ay isasali din natin sa long distances dahil magkakaiba talaga iyon ng strokes at masisira ang training at preparation natin,” sabi pa nito.
Nabitawan naman nito ang ikaapat sanang ginto sa10-Seater Junior Mixed 500m matapos na kapusin kontra Russia na itinala ang oras na 02:10.508. Gabuhok lamang ang agwat nito sa Pilipinas na may itinalang 2:11.839 habang ikatlo ang Ukraine na may 2:13.428 oras. Ikaapat hanggang ikaanim ang Canada, Germany at Hong Kong.
Nagkasya ito sa dalawang tanso sa 10-Seater Senior Mixed Team 200m sa likod ng Russia (00:49.816) at Thailand (00:50.024). Isinumite ng Pilipinas ang oras na00:50. 358 segundo at 0-Seater Senior Mixed 500m kontra Russia (2:07.471) at Thailand 2:08.761). Mayroon itong itinalang oras na2:09.854.
Ang delegasyon ay binubuo nina Jonne Go, Diomedes Manalo, Norwell Cajes, Chiva Angela Abanilla, Apple Jane Abitona, Raquel Almencion, Rossel Burgos, Patricia Ann Bustamante, Sheryl Caang, Maribet Caranto, Rosalyn Esguerra, Glaiza Liwag, Ella Fe Niuda, Rhea Roa, Kim Gabriel Borromeo, Jordan De Guia, John Lester Delos Santos, Fernan Dungan, Franc Feliciano, Ojay Fuentes, Alex Generalo, Hermie Macaranas, Oliver Manaig, Roger Kenneth Masbate, Reymart Nevado, Daniel Ortega, Lee Robin Santos, John Paul Selencio, Jerome Solis at Christian Urso.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.