Frayna naging kauna-unahang Pinay Woman Grandmaster
TUWA at kalungkutan ang bumalot sa dapat sanang selebrasyon para kay Woman International Master Janelle Mae Frayna at Grandmaster Eugene Torre matapos na mabigo ang Philippine women’s team kontra 15th seed Mongolia, 1.5-2.5, at tumabla ang 53rd seed PH men’s team kontra 26th seed Argentina matapos ang ikasiyam na round ng ginaganap na 42nd World Chess Olympiad sa Baku, Azerbaijan.
Ito ay matapos muling magwagi ang 64-anyos na si Torre (Elo 2447) kontra GM Diego Flores (Elo 2595) sa Board 3 gayundin si GM Julio Catalino Sadorra (Elo 2560) GM Sandro Mareco (Elo 2606) sa Board 1 para agad itulak sa 2-0 abante ang Pilipinas sa krusyal na labanan sa 11 round na torneo.
Gayunman, nabigo sina GM John Paul Gomez (Elo 2492) gamit ang puting piyesa kontra GM Federico Perez Ponsa (Elo 2585) at si IM Paulo Bersamina (Elo 2408) kontra GM Alan Pichot (Elo 2536) upang manatili ang Pilipinas sa natipon nitong pinagbabasehang 9 match points.
Bunga ng pagtatabla ay nahulog ang Philippine men’s team sa ika-56 puwesto tangan ang kabuuang 22.5 puntos. Sunod nitong makakalaban ang 63rd seed na Scotland na may natipon naman na 20 puntos.
Inokupahan naman ni Torre ang solong liderato sa ranking ng best player matapos ang round 9 sa natipon nitong kabuuang walong puntos matapos ang siyam na laban habang nangunguna rin ito sa Board 3.
Ininda naman ng 46th seed PH women’s team ang tanging kabiguan kontra sa Mongolia matapos na matalo si WIM Jan Jodilyn Fronda (Elo 2128) kay IM Tuvshintugs Batchimeg (Elo 2391) sa Board 2.
Ito ay matapos na makipaghatian ng puntos sina Frayna (Elo 2281), WIM Catherine Secopito (Elo 2119) at Woman Fide Master Shania Mae Mendoza (Elo 1965) kina IM Davaademberel Nomin-Erdene (Elo 2422), WGM Altan-Ulzii Enkhtuul (Elo 2288) at WIM Uuganbayar Lkhamsuren (Elo 2147).
Naging konsolasyon na lamang sa kasalukuyang ranked No. 28 na PH women’s team na bitbit ang kabuuang 22.5 puntos ang ibinalita ni National Chess Federation of the Philippines (NCFP) executive director at GM Jayson Gonzales na nakamit na ni Frayna ang kailangang anim na puntos para sa kanyang ikatlo at huling norm bilang pinakaunang woman grandmaster ng Pilipinas.
“Unofficially, Janelle Mae Frayna has complied with her third and final norm in becoming a Woman GM compiling a total of 6 points in 9 rounds with her 4 wins, 4 draws and 1 loss,” sabi ni Gonzalez.
Sunod na makakasagupa ng women’s team ang 20th seed na Italy sa krusyal na ika-10 round.
Nasa ika-44 puwesto bilang best women chess player sa mundo si Frayna habang nasa ika-50 si Fronda at ika-53 si Secopito na may tig-anim din na puntos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.