Mark gustong bumalik sa ABS-CBN, nagpasalamat sa GMA
KUNG mabibigyan ng pagkakataon, gustong bumalik ni Mark Bautista sa ABS-CBN, lalo na ngayong wala na siyang kontrata sa GMA 7.
Nakausap ng ilang entertainment reporter si Mark kahapon ng umaga matapos siyang kumanta sa MARE Foundation Turnover Ceremony na ginanap sa San Andres Sports Complex sa San Andres, Manila.
Mula sa pamamahala ni dating Sen. Loi Ejercito, inilipat na niya sa kanyang anak na si Jackie Ejercito ang pagpapatakbo ng nasabing foundation na walang sawang tumutulong sa mga kapuspalad na mamamayan ng Maynila. Bukod kina Sen. Loi at Jackie, dumating din sa event si Mayor Joseph Estrada para suportahan ang kanyang anak.
Going back to Mark, wala naman daw bagong offer sa kanya ang GMA kaya bukas siya sa posibilidad na bumalik sa Kapamilya network, “I think, wala pa silang project na maibibigay, so ayoko naman na parang mag-aantay ka sa wala or something. We’ll see kung ano mangyayari after.
“Siyempre, hanggang kailan ka naman mag-guesting-guesting lang, di ba? Gusto mo na may show or something,” aniya pa.
Wala naman daw siyang tampo sa Siyete dahil, “Naiintindihan ko rin sila kung saan sila nanggaling.
And, business-wise, e, may sarili silang mga concerns din, plano. Kasi kung meron naman, lalapitan ka nila, sasabihin nila sa ‘yo.
“So, ngayon, ayoko rin namang mag-abang, ayoko rin namang walang gagawin. So ako, as much as possible, gusto ko na may gagawin ako,” chika pa ng binata.
Hirit pa nito, “I think open naman ako with them, and sino ba naman ako na tanggihan kung may offer ang Dos?”
Nakatakdang magtungo sa Amerika si Mark next month para mag-aral sa New York Film Academy. Inamin din ng binata na nami-miss na rin niyang makatrabaho ang original ka-loveteam niyang si Sarah Geronimo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.