Ballroom dancing bubuksan ang UAAP Season 79 opening ngayon
MAGPAPAGALINGAN ang pito sa walong kasaling unibersidad ngayong hapon sa ipinakikilalang disiplina na ballroom dancing sa opisyal na pagsisimula ng University Athletic Association of the Philippines (UAAP) Season 79 sa University of Santo Tomas main campus sa España, Maynila.
Tangan ang UAAP theme na “Dare to Dream”, patitingkarin ng host UST ang 2016–2017 athletic year ng liga sa pamamagitan ng isang kontes sa tradisyunal na disiplina ng iba’t ibang uri ng sayaw sa Quadricentennial Pavillion bago isagawa kinabukasan ang salpukan sa tampok na laro na basketball.
“We wanted to step out of the traditional opening na laging may basketball game agad,” sabi ni UST Fr. Ermito De Sagun, OP, sa torneo kung saan paglalabanan ng walong miyembrong unibersidad ang kabuuang 15 sports para sa pinaglalabanang overall championship.
Ang ballroom dancing, na sasalihan ng lahat ng mga miyembro maliban sa Far Eastern University, ang pinakabago sa mga sinubukan nitong demonstration sport at magsisilbing side event ng liga.
Sunod na isasagawa ang opening parade at program proper bago sundan ng outdoor concert sa Plaza Mayor.
Magsasagupa naman bukas ang Adamson University kontra University of the Philippines na agad susundan ng UST kontra Ateneo de Manila University.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.