Tao pa ba ang mga bangag? | Bandera

Tao pa ba ang mga bangag?

Jake Maderazo - August 29, 2016 - 12:15 AM

HINAMON Presidente Rodrigo Duterte ang mga kritiko ng digmaan niya sa droga sa katanungang: “Tao pa ba ang mga sabog sa shabu?”; “Ilan na ang pinatay na kabataan, ni-rape na mga babae at krimen ng mga “bangag” bago siya nag-presidente?
Sa pananaw niya, ang pagkagumon sa shabu lalo pa’t “synthetic” ay nagdudulot ng permanenteng pinsala sa utak ng bangag.
Bilangin natin ang mga bangag sa shabu: 700,000 ang nagsisuko at posibleng marating tumaas ang bilang sa 1.8 milyon bago matapos ang 2016.
Tao pa ba ang mga bangag? Sa mga nakatira sa depressed areas, kabisado nila ang lagim na dulot ng pagkabangag. Katunayan, kilala nila ang mga sira na ang utak sa kanilang lugar at pi-nababayaan na lang kaysa sila ang mapag-initan o mapag-tripan?
Nariyan din iyong mga bagong bangag na nagsisimulang maging siga at bumibiyahe ng holdap, nakawan, akyat-bahay, riding in tandem o kaya’y snatching para ma-sustain ang bisyo.
At kapag bangag na ay mga sariling pamilya, kapitbahay o mga babae ang pagti-tripan, o kaya naman ay basta-basta na lamang nagwawala.
Oo nga’t may ipinare-rehab at pag nahuli ng pulis ay pinalalabas din, tapos ay babalik lang sa kanilang lugar, hanggang sa gumawa na sila ng mga karumal-dumal na krimen.
Nang dumating si Duterte, isa-isa nang nagsisuko ang mga ba-ngag sa maraming lugar, nangakong hindi na gagamit ng shabu o kaya’y magbebenta.
Iyong iba hindi nakayanang alisin ang bisyo, kaya ngayon ay isa-isa nang tumutumba, pinapatay kahit sa loob ng kanilang mga bahay, ng mga di kilalang armado o kaya’y sa mga police buy bust operations.
Ayon mismo kay PNP chief Ronald “Bato” de la Rosa, 1,946 drug suspects na ang napapatay sa kanilang kampanya at 756 dito ay mga napatay ng mga pulis. Lumilitaw tuloy na 1,190 drug suspects ang pinatay ng mga “vigilante”, “drug syndicates” o kaya’y mga maruruming pulis na pinapatay ang kanilang mga asset para hindi sila maituro.
Iyong mag-asawa sa Antipolo na taga-repack ng shabu ng mga pulis, iyong pedicab driver na “runner” ng droga sa Pasay city, ay mga simpleng tao na ang katransaksyon ng mga narco-cops.
Saan ka naman nakakita na ang buong Anti-illegal drugs unit sa QCPD ay sangkot sa “shabu” hanggang sa mismong general na kanilang Director? Sobra sa 100 pulis na itinapon sa Mindanao at nakatakda na ring sibakin sa serbisyo.
Naisip ko tuloy, paano kung maghuramentado ang 100 bangag dito sa Metro Manila? O kaya ay 1,000 o 10,000? Hindi ba’t parang mga zombie ang mga ito kapag nagkataon.
May mga lamat na ang kanilang mga utak dahil sa shabu, gagaling pa ba sila sa rehab? Siyempre, mahaba pang debate ito, pero ang tanong ng pangulo ay direkta ngunit malalim.
Tagos sa bawat mamamayan at alam nila at naramdaman ang depinisyon ng isang bangag sa kanilang lugar. Kaya nga, tahimik na tahimik at pumapalakpak ngayon ang nakararami dahil nauubos na ang mga bangag sa kanilang mga lugar na matagal nang naghahasik ng lagim sa kanilang buhay.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending