45 gintong medalya nakataya agad sa 2016 Milo Little Olympics NCR leg
KABUUANG 13 gintong medalya ang agad nakataya sa athletics habang 32 ginto naman ang paglalaban sa swimming sa pagsikad ngayong umaga ng kompetisyon sa 15 sports na paglalabanan sa 2016 Milo Little Olympics National Capital Region Leg sa Marikina Sports Park, Marikina City.
Hindi natinag ng malakas na pagbuhos ng ulan ang pagbubukas ganap na alas-3:30 ng hapon kung saan malakas na sinalubong ng palakpakan at hiyawan ng mahigit sa 6,000 kabataan ang isa sa mga produkto at naging kampeon sa kada taong torneo na si national athlete at 2016 Rio Olympic Games veteran Ian Lariba.
“Follow your dreams. Enjoy the moment of your games while striving to be at your best and always give your best,” sabi ni Lariba, na naging pinakaunang table tennis player ng bansa na nakalaro sa Olympics.
Pinasalamatan naman ni Milo Sports Executive Robbie de Vera si Lariba at ang lahat ng mga eskuwelahan at mga estudyante na kalahok sa torneo na bitbit ang temang “Energizing Champions, Energizing Dreams.”
“Yanyan (Lariba) graduated from the Milo Little Olympics-Mindanao and has won the most outstanding athlete plum for table tennis. What is good about her is that she attributes her success to her early training days in the Milo Little Olympics in Mindanao,” sabi ni De Vera.
Asam ng taunang kompetisyon para sa mga kabataan na maipakita ang patuloy na pagnanais ng Milo na madebelop hindi lamang ang atletisismo ng mga kabataan kundi pati na rin ang mental discipline sa mga student-athletes na inaasam na magiging susunod na henerasyon ng mga sports heroes.
Kabilang sa 15 sports na paglalabanan sa dalawang araw na kompetisyon ang badminton, basketball, chess, football, gymnastics, lawn tennis, swimming, table tennis, taekwondo, volleyball, sepak takraw at scrabble. Ang arnis at karatedo ay kabilang naman sa demonstration sports.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.