PINAG-IISIPAN ni Pangulong Digong na baguhin ang pangalan ng Malacañang Palace at palitan ito ng People’s Palace o Palasyo ng Taumbayan upang mailapit ang upuan ng kapangyarihan o seat of power sa mga ordinaryong mamamayan, lalo na sa mahihirap.
Ang Malacañang ay isang katagang imperialismo na walang kinalaman sa taumbayan, ani Pangulong Digong.
“Kung maaari, gusto kong buksan ang Malacañang sa taumbayan upang makapaglibot dito at malaman nila kung anong nasa loob nito,”sabi ni Mano Digong.
Uunahin ng Pangulo ang mga bata na nakatira sa Pandacan at Tondo sa Maynila na maunang makapaglibot sa loob ng Palasyo.
Para kasi kay Mano Digong, aalisin niya ang pagiging simbolo ng Malacañang na tirahan ng makapangyarihan gaya noong panahon pa ng mga Kastila.
Itinayo ang Palasyo noong panahon ng Kastila.
Ang Malacañang ay tirahan ng mga pangulo ng bansa mula kay Manuel Quezon.
Ito’y tinirhan din ng mga Spanish governors-general at American governors-general noong una.
Ang pagbubukas ng Malacañang Palace sa taumbayan ay ginawa rin nina Ramon Magsaysay at Joseph “Erap” Estrada.
Makamasa at mahal ng masa sina Magsaysay at
Erap.
Pero hinigitan ni Duterte sina Magsaysay at Erap sa pagmamahal sa masa.
Iba ang pagtrato ni Digong sa mahihirap; siya mismo ang pumupunta at nakikisalamuha sa taumbayan noong siya’y mayor pa ng Davao City.
Isa o dalawa lang o walang bodyguard si Mayor Digong kapag nakikisalamuha sa taumbayan.
Hinikayat ni Director General Ronald “Bato” dela Rosa, chief ng Philippine National Police (PNP), ang mga dating drug addicts na patayin ang mga drug lords o sunugin ang kanilang mga bahay.
Ito namang si Bato masyado nang madaldal kaya tuloy ay kumokonti na sa taumbayan ang naniniwala sa kanya.
Bakit ang mga drug addicts pa ang pumatay sa mga drug pushers o dealers samantalang nandiyan naman ang kanyang mga tauhan na puwedeng gawin yun?
Bakit, natatakot na ba ang kapulisan na sumalvage ng mga drug pushers o dealers kaya’t ini-enganyo na nila ang mga dating addicts na gawin ito.
Eh, kung gagawin nga ng isang dating addict na patayin ang isang drug lord, na gaya ni Mayor Rolando Espinosa ng Albuera, Leyte, ipagtatanggol kaya ni Bato ito sa korte?
Ang humikayat sa iba na gumawa ng kasalanan ay ilegal kaya’t ilegal ang ginagawa ni Bato.
Puro na lang daldal itong si Bato at kulang sa gawa.
Matatandaan natin na binuksan niya ang White House, official residence ng PNP chief, kay Mayor Espinosa na isang malaking drug lord sa Eastern Visayas.
Bakit hindi pinatay ni Bato si Espinosa noong natulog ito sa kanyang official residence?
Bakit ipagagawa ni Bato ang pagpatay kay Espinosa na hindi naman niya ginawa?
May isang kasabihan sa Ingles: Silent waters run deep. Ang tahimik na dagat ay malalim.
Ipinakikita ni Bato ang kanyang kababawan.
Maraming hindi naniniwala na sangkot si dating Pangasinan Governor at ngayon ay Congressman Amado Espino Jr. sa talamak na operasyon ng droga sa New Bilibid Prisons (NBP).
Isa na ako sa hindi naniniwala.
Kilala ko si Espino mula noong early 1990 nang siya’y commander pa ng Metropolitan District Command o Metrodiscom sa Angeles City.
Galit na galit si Espino sa krimen at droga.
Sa drug matrix ni Pangulong Digong, ipinakita ang diumano’y relasyon ni dating Justice Secretary at ngayon ay Sen. Leila de Lima sa operasyon ng droga sa NBP.
Paanong nangyari yun samantalang si De Lima mismo ang nag-utos na sampahan ng kasong plunder kaugnay ng diumano’y quarrying of black sand kay Espino?
Kung magkasabwat sina De Lima at Espino, bakit sasampahan ni De Lima si Espino ng plunder?
Isa pa, bakit sisirain ni Espino ang maganda niyang record bilang opisyal ng Philippine Constabulary o PC?
Espino is multi-awarded officer of the PC dahil sa kanyang paghuli ng ilang matataas na opisyal ng New People’s Army o NPA at mga big-time criminals.
Noong siyaý bago pa lang graduate ng Philippine Military Academy (PMA), malubha siyang nasugatan sa ambush ng NPA.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.