Tabuena kinapos sa unang round ng Rio Olympics golf competition
KINAPOS si golfer Miguel Luis Tabuena sa kanyang magandang simula Huwebes upang magkasya lamang na tabla sa ika-42nd place matapos ang unang araw ng paluan sa golf sa ginaganap na 2016 Rio Summer Olympics.
Maganda ang simula ni Tabuena sa pagpalo sa Olympic Golf Course na may par sa unang dalawang hole bago itinala ang birdie sa dalawa sa sumunod na tatlong hole para sa two-under na iskor sa kaagahan ng round.
Gayunman, hindi nito nagawa ang birdie sa sumunod na apat na holes sa front nine at nagkaproblema sa itinala nito na back-to-back bogeys sa No. 10 at 11 holes na par 5 at par 4.
Pilit nitong isinalba ang laro sa par nito sa 514-yard No. 12 hole subalit nag-bogey sa 13th hole. Nagawa nito ang birdie sa 229-yard par 3 na 14th hole bago ang sumunod na bogey sa huling tatlong hole para sa kabuuang iskor nito na 73.
Nangunguna si Marcus Fraser ng Australia na sinilaban ang bagong Brazilian course sa opening round na may eight-under 63 sa itinala na birdie sa lima sa huling anim na holes. Mayroon din itong apat na birdie sa back nine.
Si Tabuena ay umaasang makakabangon sa susunod na tatlong araw kahit na 10 strokes na malayo sa nangunguna.
“I won’t give up for you guys,” sabi ni Tabuena, na tuwang-tuwa habang nakikita ang bandila ng Pilipinas sa kanyang polo shirt at cap imbes na mga sponsors.
Nakatakda pa sumabak si Mary Joy Tabal sa women’s marathon sa Agosto 14 na susundan nina long jumper Marestella Torres-Sunang at sa 400m hurdles ni Eric Cray sa Agosto 16 bago ang panghuli na si taekwondo jin Kirstie Elaine Alora sa Agosto 20.
Nauna nang umuwi ang weightlifter Hidilyn Diaz, na siya pa lamang nakakapagwagi ng medalyang pilak noong Agosto 7 kasama si Nestor Colonia. Umuwi na rin Biyernes sina judoka Kodo Nakano at table tennis’ Ian Lariba Biyernes ng gabi habang sunod na uuwi ang mga swimmer na sina Jasmine Alkhaldi at Jessie King Lacuna sa Agosto 15. Ang dalawang boxer na sina Rogen Ladon at Charly Suarez ay uuwi sa Agosto 17.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.