Hidilyn pag-aagawan ng advertisers para bumida sa TV ads
HINDI nagsisimula at nagtatapos sa pagsungkit ng silver medal sa Rio Olympics ang kapalaran ng ipinagmamalaki nating kababayang si Hidilyn Diaz.
Pagdating niya sa bansa nu’ng nakaraang Huwebes nang hapon ay ipinagbunyi siya ng buong bayan, siya kasi ang naglagay ng tuldok sa 20 taon na pagkauhaw ng Pilipinas sa mga medalya ng Olimpiyada, isang malaking karangalan para sa ating bayan ang pagtatagumpay sa weightlifting ni Hidilyn Diaz.
Harinawang makuha niya na ang insentibong P5 milyong piso mula sa pamahalaan, may dagdag pa ‘yun dahil ang lokal na pamahalaan ng Zamboanga ay may ibibigay ring kalahating milyong piso sa kanya, ibang-iba na ang pamumuhay ngayon ng pamilya ni Hidilyn.
Asahan nang isang araw ay mapapanood na rin natin ang kaliwa’t kanang pag-eendorso niya ng mga produktong pampalakas ng katawan at pampatibay ng mga buto.
Hindi pakakawalan ng mga advertisers ang ipinakita niyang katatagan sa Olympics, naturingang babae si Hidilyn Diaz, pero kartada at lakas ng isang matipunong lalaki ang nasaksihan ng buong mundo sa kanya.
May nakahanda ngang tagumpay para sa mga taong nagsisikap at nangangarap, may paroroonan talaga ang mga taong may disiplina, tulad ni Hidilyn Diaz na unang babaeng atletang Pinoy na nakakuha ng medalya sa Olympics.
“Bronze lang po ang pinupuntirya ko, pero mas maganda pala ang plano ni Lord para sa akin, God is good po talaga. Walang imposible sa Diyos.
“Maraming-maraming salamat po kay Lord, sa pamilya ko na todo ang suporta sa akin, at sa sambayanang Pilipino na kinambalan ng mga dasal ang nakaraan kong laban,” nakangiting pahayag ni Hidilyn Diaz na may mga anggulong kahawig ng aming anak-anakan-kasamahan na si Francis Simeon.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.