House & Lot, P5 milyon naghihintay kay Diaz
ISANG house and lot maliban pa sa P5-milyong insentibong salapi ang naghihintay sa pagdating ng 2016 Rio Olympics silver medalist sa weightlifting na si Hidilyn Diaz sa pagbabalik nito sa Agosto 11 mula sa makasaysayang pagsabak sa Rio de Janeiro, Brazil.
Sinabi mismo ni Philippine Sports Commission (PSC) Chairman William “Butch” Ramirez Lunes na maliban sa makukuhang benepisyo, agad din na pinapapunta ni Pangulong Rodrigo Duterte si Diaz sa sa Malacañang.
Ipinaliwanag ni Ramirez na nakikipag-usap na ito sa Palasyo para maayos ang mga detalye sa pagtanggap ng Chief Executive ng bansa sa pagbabalik ng bagong sports heroine.
Napag-alaman sa PSC chief na ang developer na 8990 Deca Homes ang magbibigay kay Diaz ng house and lot dahil sa kanyang pagbibigay prestihiyoso sa bansa. Agad na rin ipinapahanda sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (Pagcor) ang P5-milyong cash incentive para sa tanging babaeng atleta ng bansa na nakapag-uwi ng medalya sa kada apat na taong torneo.
Inuwi ng 25-anyos na si Diaz ang pilak sa weightlifting Lunes ng umaga sa Maynila upang putulin ang pagkauhaw sa medalya ng Pilipinas sa Olimpiada matapos ang 20 taon. Huling nagwagi ng pilak ang Pilipinas mula kay Mansueto “Onyok” Velasco noong 1996 Atlanta Olympics. Hindi pa ito nagwawagi ng ginto sapul nang sumali noong 1924 Paris Olympics.
“Today is a great day for Philippine sports. The government through the Philippine Sports Commission congratulates Hidilyn Diaz for winning the silver, our first Olympic medal in 20 years,” sabi ni Ramirez.
“Hidilyn proved that we Filipinos can excel against the best in the world. The lady athlete from Mindanao just made her country proud,” sabi pa ni Ramirez.
Itinala naman ni Diaz ang kasaysayan bilang unang Pilipinang atleta na nakapagwagi ng medalya sa Olimpiada at unang atleta mula sa Mindanao na nagbigay dangal at karangalan sa bansa sa pagwawagi ng medalya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.