Xian Lim pangarap maging DJ pero maraming sakit
MAGBABALIK si Xian Lim sa isa na namang espesyal na episode ng Maalaala Mo Kaya ngayong Sabado (hosted by Charo Santos) bilang isang lalaking determinadong makamit ang pangarap na maging isang radio personality sa kabila ng iniindang mga karamdaman.
Lumaki si Raymond (Xian) na nakikinig sa radyo sapagkat yun lang ang napaglilibangan niya sa kanilang tirahan sa Sultan Kudarat. Sa araw-araw na pakikinig, napagtanto ni Raymond na gusto niyang maging isang DJ.
Sa kasamaang palad, nagkaroon siya ng sakit na leukemia sa murang edad. Sa tulong ng kaniyang ina na si Erlinda (Lara Quigaman), bumuti ang lagay ni Raymond ngunit umpisa pa lang pala ito ng mga kailangan niyang harapin na kondisyong medikal.
Binata na si Raymond nang nakakuha siya ng pagkakataong maging radio DJ sa isang istasyon na dalawang oras ang layo sa kanilang bahay at tuwing 4 a.m. ang timeslot ng kanyang programa.
Nag-aaral pa siya noong mga panahon na iyon at dahil sa dagdag na bigat ng trabaho ay bumagsak ang bilang ng kaniyang mga white blood cell. Dahil sa matinding pag-aalala ay pinahinto ni Erlinda si Raymond na magtrabaho hanggang siya ay hindi pa nakakatapos sa pag-aral.
Ito na ba ang katapusan ng mga pangarap ni Raymond? Ipipilit pa rin ba niyang magtrabaho sa radyo o mas pipiliin niyang pangalagaan ang kanyang kalusugan?
Kasama rin sa MMK episode na ito sina William Lorenzo, Bugoy Cariño, John Vincent Servilla, Angelo Alayon, Maggie dela Riva at Gigi Locsin, sa direksyon ni Raz dela Torre at sa panulat nina Joan Habana at Arah Jell Badayos.
Patuloy na samahan ang longest drama anthology sa Asia sa paggawa ng mas marami pang magagandang alaala sa ika-25 anibersaryo nito tuwing Sabado ng gabi sa ABS-CBN.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.