Ricky Davao: Inaatake pa rin ako ng matinding nerbyos bilang artist!
NAKAHUNTAHAN namin si Ricky Davao, direktor ng magsisi-mulang drama series sa hapon ng GMA 7 na Sinungaling Mong Puso starring Rhian Ramos, Kiko Estrada at Rafael Rosell.
Pinuri muna namin ang mahusay na aktor-direktor dahil sa magaling nitong performance sa “Dukot” na napanood namin kamakailan. “Hindi ka talaga kumukupas. Ano pa ba ang hindi mo kayang gawin nang walang pressure o tension man lang,” sey namin kay direk.
“Uy, kinakabog pa rin ang dibdib ko. Marunong pa rin akong nerbyusin,” agad nitong sagot at iniha-limbawa pa nga niya ang current directorial assignment niya sa GMA na TV remake ng classic film ni Ate Vi (Vilma Santos) na idinirek ni Maryo J. Delos Reyes.
“Mentor ko rin kasi si direk Maryo. Award-winning yung ginawa niya at du’n pa lang, nakakanerbyos na itong pantayan man lang,” paliwanag ni direk Ricky sa seryeng Sinungaling Mong Puso, considered nga as among direk Maryo’s best works.
Pero dahil trouper nga si direk Ricky at gaya raw ng pag-arte ay lagi niyang hinahanapan ng challenge ang sarili, “Confident din ako na malalagyan ko ito ng touch of me na babagay sa mga artista namin at magugustuhan ng televiewers.”
Group effort, collaboration at focus ang ilan sa mga baon-baong inspirasyon nina direk para raw maiba ang soap nila sa original. Kaya mula sa kanyang staff, hanggang sa bida niyang sina Rhian, Rafael, Kiko at Jazz Ocampo, “positive team effort” daw ang key to succeed.
Ngayong Lunes, July 18 magpa-pilot ang Singungaling Mong Puso sa GMA Afternoon Prime.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.