MONACO – Sa patuloy na paglilibot ng Bantay OCW sa Europa, nagkaroon tayo ng pagkakataon na makapasyal dito sa Monaco, isang maliit na bansa sa pagitan ng France at Italy; ngunit ito ay napakagandang lugar.
Wala pang 40,000 ang populasyon ng Monaco na sadya namang mayaman na bansa. Mahigpit din sa bansang ito. Hindi maaaring magtrabaho ang isang OFW na walang mga karampatang mga dokumento. Bawal ang ilegal na alien dito.
Nakilala namin si Norie, Pinay OFW at may 18 taon nang naglilingkod sa isang pamilyang tatlo katao lamang at nakatira sila sa isang yate na nakabase sa Monaco.
Napakalaking yate ang itinuro ni Norie na kanilang tinitirahan. May 21 crew silang lahat kasama na ang kapitan ng barko. Sa 21 na mga manggagawa, 17 silang mga Pilipino.
Masarap na malungkot na mahirap ang deskripsyon ng OFW sa kanilang trabaho sa ibayong dagat.
Masarap dahil hindi nila inaalala ang pera dahil malaki nga silang kumita sa abroad. Malungkot dahil malayo sila sa kanilang pamilya. Mahirap dahil nagsosolo sila doon at kinakaya ang lahat upang mag-survive sa araw-araw na pagtatrabaho.
Ngunit anuman ang kalagayan, wala sa kanilang bokabularyo ang umuwi o bumalik ng Pilipinas.
Hindi ‘anya nila maipagpapalit ang malaking halaga na kinikita sa ibayong dagat lalo pa’t hindi naman ganoon kahirap ang kanilang trabaho.
Bukod pa sa napakarami talaga ang umaasa sa ating mga OFW, nasanay na kasi ang mga kapamilya nila sa Pilipinas na may nagpapadala at sumusuporta sa kanila sa mahabang panahon na ngayon.
Kung hindi man lamang sumasagi sa ating mga OFW ang umuwi na sa bansa, lalong hindi ito sumasagi sa isipan ng mga pinadadalhan nila ng suporta sa Pilipinas na pauwiin na sa bansa ang kanilang OFW.
Masakit mang pakinggan, ngunit iyan ang nagdudumilat na katotohanan. Mas hindi kakayanin ng mga kaanak na umaasa sa ating mga OFW ang malamang papauwi na ang taong tangi nilang inaasahan at nagbibigay kaalwanan sa kanilang buhay sa Pilipinas. Masarap nga naman ang tumatanggap lamang.
Hindi man direktang maisisi sa mga OFW, ngunit batay sa obserbasyon, sila na rin ang nagpangyaring gawing tamad ang kanilang mga kapamilya upang umasa na lamang nang umasa sa kanilang mga pinaghihirapan kahit matatanda na ang mga iyon at may kaniya-kaniya na ring pamilya.
Kaya naman, uuwi lamang ang isang OFW kung ang kanilang mga katawan na mismo ang siyang susuko at hindi na kaya pang magtrabaho tulad ng pagkakasakit o di kaya ay mga hindi inaasahang kamatayan.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq. Helpline: 0998.991.BOCW Website:bantayocwfoundation.org E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.