Aktres walang trabaho, nagpaparamdam sa nilayasang network
NAGPAPARAMDAM pala ang hindi na masyadong bagets na aktres ng kagustuhang bumalik sa kanyang dating network.
Wala kasi siyang proyekto sa istasyong kinabibilangan niya ngayon, bakanteng-bakante ang magandang aktres, kaya nagpaparamdam siya. Pero nakabukas pa kaya ang mga pintuan ng nasabing network para sa kanya? Pagkatapos niyang basta talikuran na lang ang halos kinalakihan na niyang istasyon ay gusto niyang magbalik ngayon?
Kuwento ng aming source, “Naku, maghintay na lang siya ng project sa network niya ngayon, dahil kahit pa siya maglupasay, e, wala na siyang papasukang pintuan sa network na basta na lang niya iniwanan. “Mahiya nga siya! Wala naman siguro siyang amnesia para basta na lang niya makalimutan ang mga pinaggagawa niya nu’n, ‘no!
“Naalala pa ba niya ang dramang kailangan kuno niyang mag-aral sa ibang bansa, pero ang true pala, e, inaayos na ng manager niya ang paglipat niya sa kabilang network! “Hindi naging maganda ang pag-alis niya sa dati niyang network, kaya siguradong hindi pa rin siya mabibigyan ng chance, kung gugustuhin man niyang kumabilang-bakod ngayon,” nakataas ang kilay na kuwento ng aming source.
Matagal na kasing nakatengga ang aktres sa kanyang network ngayon. Meron kunong mga plano para sa kanya, pero wala namang natutuloy, hanggang puro salita at plano lang ‘yun. Patuloy ng aming source, “Kasi naman, masyadong feeling ang babaeng ‘yun! Akala niya siguro, e, wala nang katapusan ang mga biyayang dumarating sa kanya.
“Naku, ‘no! Bradly Guevarra, akala ko ba, e, hawak na niya ang bato? Nasaan naaaaa!!!!” pagtatapos ng aming impormante.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.