Team USA roster para sa Rio games kasado na
Dennis Christian Hilanga - Bandera June 28, 2016 - 06:42 PM
PINANGALANAN na ang 12 manlalaro na bubuo sa USA men’s basketball team na lalahok sa 2016 Rio De Janeiro Olympics sa Brazil sa Agosto.
Pangungunahan ni NBA veteran Carmelo Anthony (New York Knicks) kasama sina Harrison Barnes (Golden State Warriors); Jimmy Butler (Chicago Bulls); DeMarcus Cousins (Sacramento Kings); DeMar DeRozan (Toronto Raptors); Kevin Durant (Oklahoma City Thunder); Paul George (Indiana Pacers); Draymond Green (Golden State Warriors); Kyrie Irving (Cleveland Cavaliers); DeAndre Jordan (Los Angeles Clippers); Kyle Lowry (Toronto Raptors); and Klay Thompson (Golden State Warriors) ang reigning titlist at world number 1 rank Americans sa pagnanais na mapanatili ang prestihiyosong Olympic crown sa kanilang ulo. Samantalang si Coach Mike Krzyewski pa rin ang magtitimon sapul hawakan ang US national team noong 2006.
Taong 1992 nang sinimulang irepresenta nang NBA players ang Estados Unidos sa Olympics.
Bagaman kasama sa final roster ang kanyang mga co-Warriors na sina Thompson at Green, hindi naman maglalaro si two-time MVP Stephen Curry. Maging si Cleveland Cavaliers superstar Lebron James ay ipagpapaliban muna ang paglahok sa quadrennial event dahil magpapahinga muna sila matapos ang nakakapagod na NBA Finals na umabot ng game 7 kung saan nagkampeon ang Cavs kahit na lumasap muna ang koponan ng 1-3 deficit.
Sinungkit ng powerhouse USA ang gold medal sa nakalipas na 2008 Beijing Games at 2012 London Games matapos payukuin ang Spain sa parehas na mga laro, ito ay kasunod ng mapait na kapalarang sinapit noong 2004 Athens Games kung saan naka bronze medal finish lamang ang koponan na noo’y binubuo ng nina James, Anthony, Dwyane Wade, Tim Duncan at Allen Iverson .Sila rin ang tinaghal na 2010 at 2014 FIBA World Champions matapos talunin ang Turkey at Serbia ayon sa pagkakasunod.
Ang mga Amerikano rin ang nagmamay-ari ng 14/17 titles sa lahat ng Olympic games na kanilang nilahukan kaya naman sila ang kinikilalang pinakamalakas na bansa sa mundo ng basketball ngayon, na pinakinang pa ng pag-upo sa tuktok ng FIBA World Ranking sa 91 bansang kasali.
—
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending