Mga Laro Ngayon
(Cuneta Astrodome)
4 p.m. Foton vs Amy’s
6 p.m. Cignal vs Petron
Team Standings: F2 Logistics (2-0); Petron (2-0); RC Cola-Army (2-0); Foton (1-1); Generika (1-2); Standard Insurance (0-1); Amy’s Kitchen (0-1); Cignal (0-2)
TANGKANG solohin ngayon ng nagtatanggol na kampeong Petron Tri-Activ ang liderato sa pagsagupa sa Cignal HD Spikers sa tampok na sagupaan ng 2016 Philippine Superliga (PSL) All-Filipino Conference women’s volleyball tournament sa Cuneta Astrodome, Pasay City.
Magsasagupa muna ganap na alas-4 ng hapon ang 2015 Grand Prix champion Foton Toplander at Amy’s Kitchen-Perpetual Help bago ang salpukan ng wala pang talong Petron at wala pang panalong Cignal sa ganap na alas-6 ng gabi.
Huling tinalo ng Petron sa apat na sets ang Generika noong Sabado, 25-19, 21-25, 25-22 at 27-25 upang makisalo sa liderato ang F2 Logistics at RC Cola-Army.
Ipinamalas ng Tri-Activ Spikers kahit hindi na kasama ang ilang dating miyembro ang matibay nitong depensa at opensa sa pangunguna ng beteranong si Aiza Maizo-Pontillas. Nakaagapay niya ang bagong miyembro na si Bernadeth Pons ng Far Eastern University at maging sina Sheila Pineda at Jen Reyes.
Si Maizo-Pontillas ay nagtala ng 17 puntos sa spikes habang si Pons ay may 12 hits at tatlong blocks para sa Tri-Activ na hindi na kasama ngayon sina Rachel Anne Daquis, Aby Marano, Dindin Manabat at Fille Cayetano.
“Although I love the result of our previous games, the job is not yet done. It’s still a long way to go,” sabi ni Petron coach George Pascua, na hangad duplikahin ang itinalang rekord na 13-0 pagwawalis sa nakaraang taon. “We still have to work hard. All teams are strong. We can’t afford to be complacent.”
“We have yet to find the right chemistry on the floor,” sabi naman ni Cignal coach Sammy Acaylar, na minsan naging assistant coach ng pambansang koponan na huling napanalunan ang gintong medalya noon sa Singapore Southeast Asian Games taong 1993.
Samantala, Dalawang sunod na kabiguan ang agad nalasap ng Amy’s na kontra sa RC Cola-Army at F2 Logistics. —Angelito Oredo
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.