Sinuspendi ng Office of the Ombudsman si outgoing Bacolod City Mayor Monico Puentevella matapos mapatunayang guilty sa kasong administratibo. Si Puentevella ay hinatulang guilty sa kasong Simple Misconduct at sinuspendi ng isang buwan at isang araw. Bababa si Puentevella sa puwesto sa Hunyo 30 kung kailan magtatapos ang kanyang termino. Siya ay tinalo ni Bacolod Rep. Evelio Leonardia sa pagka-alkalde. Ayon sa Ombudsman noong Hulyo 2014 ay sinuspendi nito sina Building Official Isidro Sun, Jr. at Building Inspector Jose Maria Makilan na hinatulan nilang guilty sa administrative case na Conduct Prejudicial to the Best Interest of the Service. Natanggap ni Puentevella ang utos na suspendihin ang dalawa mula sa Ombudsman noong Disyembre 9, 2014. Sa halip na ipatupad, sumulat si Puentevella sa Ombudsman at sinabi na sa Enero 1, 2015 na lamang niya ito ipatutupad dahil magpapasko. “In the spirit of Christmas, the effectivity of the Order is set on January 1, 2015,” saad ng sulat. Iginiit ng Ombudsman na ang desisyon nito ay dapat na ipatupad kaagad. “The Ombudsman Act of 1989 [Republic Act No. 6770] plainly states that decisions of the Office of the Ombudsman are immediately effective and executory” and that “there is nothing vague or ambiguous with this wording.” Sinabi nito na hindi binibigyan ng kapangyarihan ang mga lider ng mga ahensya na magtakda kung kailan nila nais na ipatupad ang desisyon ng Ombudsman.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.