Jeepney bumaligtad; 40 sugatan | Bandera

Jeepney bumaligtad; 40 sugatan

John Roson - June 22, 2016 - 04:44 PM
pavia, iloilo Umabot sa 40 katao ang nasugatan nang tumaob ang sinakyan nilang pampasaherong jeep sa Cabatuan, Iloilo, Martes ng hapon, ayon sa pulisya. Kabilang sa mga sugatan ang driver na si Glyn Millena at 33 estudyante ng Cabatuan National High School na pawang mga menor de edad, sabi ni Senior Insp. Engelbert Banquillo, hepe ng Cabatuan Police. Sugatan din ang anim pang pasahero na sina Rolan Choresca, 26; Enrique Gigawin, 33; Jorge Baldecanas, 50; Aljen Bulmano, 19; Visitacion Ordoyo, 63; at Gonzalo Madrid, 70. Naganap ang insidente dakong alas-5:30 sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Pungtod. Minamaneho ni Millena ang jeep (FWR-658) patungong Brgy. Acao nang bigla itong nahulog mula sa kalsada at bumaligtad. Nagloko umano ang makina ng sasakyan kaya nawalan ng kontrol sa manibela ang driver, ani Banquillo. Dinala ang mga sugatan sa Ramon Tabiana District Hospital dahil sa mga pinsalang tinamo. Naka-confine pa sa ospital ang driver pero siya’y “under arrest” na habang nilulunasan doon, ani Banquillo. (John Roson) – end –

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending