Dalawang batang magkapatid ang naiulat na nasawi habang isa pang bata ang naospital matapos umanong malason sa pagkain ng isdang “butete” sa Calabanga, Camarines Sur, ayon sa pulisya.
Napag-alaman ng lokal na pulisya na ang magkapatid na lalaki, edad 7 at 6, ay dinala pa sa Bicol Medical Center pero binawian ng buhay, ayon sa ulat ng Bicol regional police.
Lunes ng gabi ay dumanas ng pananakit ng tiyan at pagsusuka ang mga bata, na residente ng Brgy. Sabang, matapos kumain ng “butete” sa kanilang hapunan, ayon sa ulat.
Martes naman ng umaga ay hiniling ng Calabanga Municipal Health Office sa pulisya na gamitin ang patrol car para dalhin sa ospital ang isa pang batang taga-Sabang na nalason din umano ng “butete.”
Kumain din umano ng naturang isda ang 6-anyos na batang lalaki noong Lunes ng gabi.
Nagtungo na sa Brgy. Sabang ang mga tauhan ng Calabanga-MHO at ang Municipal Sanitary Officer para kumuha ng sample ng inulam na “butete” at suriin ito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending