PAF, IPPC magtutuos sa PSC Commissioners Baseball Cup finals
Mga Laro Bukas
(Rizal Memorial Baseball Field)
8 am Thunderz vs Unicorns (battle for third)
11 am PAF vs IPPC (championships)
MAGHAHARAP muli ang nagtatanggol na kampeong Philippine Air Force at IPPC Hawks para sa titulo matapos nitong patalsikin ang nakasagupa na Thunderz at Unicorns sa semifinals ng 2016 PSC Commissioners Baseball Cup kahapon sa Rizal Memorial Baseball Field.
Binigo ng four-time champion na Airmen sa nakakakaba na siyam na inning ang nasa una nitong pagtuntong sa semis na Thunderz, 5-4, habang dinomina ng IPPC Hawks ang mga batang batters ng Unicorns, 15-7, upang magharap sa kampeonato na gagawin bukas.
Sinandigan ng Airmen ang krusyal na pitching error ng Thunderz sa ikatlong inning upang makapagpasok ng limang runs tungo na pagtuntong nito sa ikalimang sunod na kampeonato ng torneo na isinasagawa para hanapin ang mga manlalaro na bubuo sa pambansang koponan.
Unang nakaiskor ng isang run ang Thunderz sa ikatlong inning mula kay Lourence Ruiz bago na lamang ang krusyal na error sa laro na naging dahilan upang malasap ng koponan ang masakit na kabiguan.
Napuno ng Airmen ang lahat ng bases sa ikatlong inning bago nagawa ni Jennald Pareja ang stolen base patungo sa homeplate matapos ang pitching error mula kay Kevin Ramos.
Agad na itong sinundan ng dalawang earned run nina Gherome Bacarisas at Ernesto Binarao bago magkasunod na huling tumuntong sa homeplate sina Ferdinand Recto at Rodolfo Linguayan.
Pinilit na isalba ni pitcher Adrian Bernardo ang Thunderz sa pag-out sa 17 batters sa loob ng limang inning kung saan mayroon itong apat na strikeout subalit pa-isa-isa lamang na nakaiskor ang koponan sa ikalima, ikaanim at ikawalong inning para mabigong habulin ang back-to-back Chairman’s Cup at Commissioners Cup champion na Air Force.
Agad naman umiskor ng anim na runs ang IPPC Hawks sa unang inning, apat sa ikalawang inning, isa sa ikaapat na inning, isa sa ikaanim na inning at tatlo sa ikapitong inning upang dismayahin ang mga batang manlalaro ng Unicorns na makatuntong sa una nitong kampeonato.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.