Umabot na sa 100 miyembro ng Liberal Party ang lumipat sa kampo ni Davao del Norte Rep. Pantaleon Alvarez, ang napiling maging speaker ni president-elect Rodrigo Duterte.
Inamin ni Caloocan City Rep. Edgar Erice na hindi na lalayo sa 10 ang nalalabing miyembro ng LP na mapupunta sa House minority bloc.
Sa katatapos na eleksyon ay 110 kongresista ang tumakbo sa ilalim ng LP, ang partido ni Pangulong Aquino at Mar Roxas.
Sinabi ni Erice na nais niyang maging bahagi ng minorya sa papasok na 17th Congress.
“In the interest of check and balance it is very important that a responsible minority emerge instead of a co opted minority,” dagdag pa ni Erice na naging tagapagsalita ng Koalisyon ng Daang Matuwid na nagtaguyod sa kandidatura ni Roxas.
Bukod sa grupo ni Erice, nais din ng United Nationalist Alliance na pinamumunuan ni Vice President Jejomar Binay na maging minorya.
Ang UNA ay mayroong 15 district at partylist congressmen.
Pinag-uusapan pa nila kung sino ang magiging lider ng minorya— si Navotas Rep. Toby Tiangco na magiging speaker sana kung nanalo si Binay, o si Quezon Rep. Danilo Suarez na kilala ring kaalyado ni dating Pangulo at ngayon ay Pampanga Rep. Gloria Arroyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending