GMA big winner sa 2016 US Int’l Film & Video Festival
MULING nagbigay karangalan sa bansa ang GMA Network matapos nitong mag-uwi ng apat na medalya at pitong certificates mula sa 2016 US International Film & Video Festival para sa ibat-ibang News and Public Affairs at Entertainment programs nito.
GMA lamang ang nag-iisang TV network mula sa Pilipinas na nanalo sa nasabing festival ngayong taon. Nanguna sa mga nagwagi ang Alamat at Reel Time na parehong Best of Festivals nominees at Gold Camera awardees.
Nakakuha ng Gold Camera Award in the Entertainment: Children category ang kauna-unahang Pinoy animated anthology series na Alamat para sa episode nitong “Alamat ng Bayabas”. Ang groundbreaking show na ito ang unang pagsabak ng GMA sa paggawa ng full animation series.
Samantala, ang documentary program ng GMA News TV na Reel Time ay nakatanggap ng Gold Camera Award sa ilalim ng Public Affairs Programs category para sa episode nitong “Isang Paa sa Hukay”. Ang documentary ay tungkol sa small-scale mining sa Camarines Norte kung saan ang mga bata ay walang takot na sumisisid sa burak at malalim na hukay gamit ang isang air compressor para makahanap ng maliliit na piraso ng ginto.
Ginawaran naman ng Silver Screen Award sa ilalim ng Documentary Programs: Biography categoryang nangungunang documentary program na I-Witness para sa “Kawayang Pangarap”. Sa docu, sinundan ni Kara David ang araw-araw na pagsasakripisyo ng isang pamilyang Aeta na nagbebenta ng kawayan upang mapagtapos ng pag-aaral ang lahat ng mga anak.
Nanalo rin ng Silver Screen Award sa Public Affairs category ang investigative public affairs program na Reporter’s Notebook para sa episode nitong “Hikbi sa Ibayong Dagat” nina Maki Pulido at Jiggy Manicad.
Nag-uwi rin ang GMA ng pitong certificate para sa ibat-ibang News and Public Affairs at Entertainment TV programs nito.
Ang mga News and Public Affairs show na Brigada (Para sa Pangarap), Front Row (Maestra Salbabida), at Investigative Documentaries (Gutom) ay tumanggap ng tig-iisang Certificate for Creative Excellence sa ilalim ng Social Issues category. Certificates for Creative Excellence in the Docu drama category
naman ang inuwi ng Karelasyon (Tres Rosas) at Wagas (Gabriela and Diego Silang Love Story).
Samantala, ang mga GMA ETV program na Pepito Manaloto at Idol sa Kusina ay ginawaran ng Certificates for Creative Excellence sa ilalim ng Cooking at Comedy categories.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.