Apat na magkakapatid, na pawang mga menor de edad, ang nasawi nang lamunin ng apoy ang kanilang bahay sa Tacloban City kaninang umaga, ayon sa mga otoridad.
Nasawi sina Dan Jade, 16; Glen Mark, 14; Glen Marie, 11; at Gwenyth Morales, 9, sabi ni Chief Insp. Maria Bella Rentuaya, tagapagsalita ng Eastern Visayas regional police.
Nagsimula ang sunog sa bahay ng pamilya Morales sa Brgy. 78, Marasbaras, dakong alas-4:50.
Natutulog noon ang mga bata, habang ang kanilang mga magulang ay namimili ng pagkain sa palengke, ani Rentuaya.
Ayon kay Rentuaya, nakatira ang pamilya Morales sa ikalawang palapag ng 2-storey building na may vucanizing shop at canteen sa unang palapag.
Pinaniniwalaan na nanggaling ang apoy sa isang napabayaang kalan sa canteen, ani Rentuaya.
Naniniwala rin ang mga nag-imbestigang bumbero na nagmula ang apoy sa napabayaang kalan, sabi ni Supt. Renato Marcial, tagapagsalita ng Bureau of Fire Protection.
Idineklara ang first alarm alas-4:58 at naapula ang apoy alas-5:20, aniya.
Natagpuan na lang ang labi ng mga nasawi matapos maapula ng mga bumbero ang sunog, ani Rentuaya.
Bukod sa mga nasawi, nagdulot din ang sunog ng aabot sa P100,000 halaga ng pinsala sa ari-arian, ani Marcial.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.