Ikasiyam na UAAP crown nakuha ng DLSU Lady Spikers | Bandera

Ikasiyam na UAAP crown nakuha ng DLSU Lady Spikers

Angelito Oredo |May 01,2016
facebook
share this

Ikasiyam na UAAP crown nakuha ng DLSU Lady Spikers

Angelito Oredo - May 01, 2016 - 01:00 AM

INANGKIN muli ng De La Salle Lady Spikers ang korona matapos nitong hubaran ng titulo ang Ateneo Lady Eagles sa loob ng apat na set, 19-25, 25-21, 25-16, 26-16, para sa ikasiyam nitong tropeo matapos ang matira-matibay na Game Three ng UAAP Season 78 women’s volleyball finals kahapon sa Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.

Hindi pinanghinaan ng kumpiyansa ang Lady Spikers kahit na napag-iwanan sa unang set bago nito inangkin ang sumunod na tatlo upang matamis na makapaghiganti sa Lady Eagles na nagpalasap dito ng kabiguan at umagaw sa nakalipas na dalawang korona.

Nasaksihan ng record crowd na 22,848 na tumabon sa pinakahuling pinakamaraming nanood na 21,314 katao noong Season 76 ang pagnanais ng Lady Eagles na mauwi ang ikatlong sunod na korona matapos itala ang 12 attacks, 4 blocks at 4 service aces kontra sa 8 attacks, 1 block, 3 service aces at 5 errors ng La Salle.

Gayunman, pinuwersa ng Lady Spikers na magtamo ng maraming unforced errors ang Lady Eagles sa huling tatlong set upang kumpletuhin ang serye kung saan una nitong napanalunan ang Game One bago nabigo sa Game Two.

Tatlong sunod na blangka sa pagsisimula ng ikaapat na set ang ipinatikim ng Lady Spikers sa tila pagod na si three-time Most Valuable Player Alyssa Valdez upang itulak ang 9-2 abante bago muling pinuwersa ang nabigo na maipagtanggol ang korona na Lady Eagles sa tatlong puntos lamang upang itatag ang 17-5 bentahe.

Nagpilit ang Ateneo na makaahon sa pagtala ang apat na sunod na puntos upang lumapit sa 9-17 subalit muling lumayo ang La Salle sa apat na sunod din na puntos para sa 21-9 iskor. Huli pang nagtangka ang Ateneo sa 5-2 atake para sa 14-23 iskor subalit hindi nito napigilan ang La Salle para agawin ang korona.

Inilapit ni Kim Kianna Dy ang La Salle sa championship point sa 24-14 bago umiskor ng dalawa ang Ateneo tsaka nito pinalo ang pinakahuling puntos na nagpasiklab sa pagdiriwang ng Lady Spikers.

Tinapos ni Dy, na tinanghal na Finals MVP, ang laro na may 17 puntos, 16 sa atake at 1 service ace.

“We just gave it our all. That’s the formula, just enjoy the game. We dedicate this to our seniors, we will gonna miss you,” sabi lamang ni Dy na patungkol sa mga magtatapos sa koponan na sina Carol Cervesa, Cid Demicillo, Maita Esperanza, Ara Galang at Mika Reyes.

Nag-ambag ng 11 puntos si Mary Joy Baron habang tig-siyam naman kina Reyes, Galang at Demecillo habang may anim na puntos si Kim Fajardo.

Unang itinala ng La Salle ang 16-10 abante sa ikalawang set bago tatlong beses nagawang itabla ng Ateneo na huli sa 19-all. Gayunman, hindi napigilan ang Lady Spikers na agawin ang set matapos ang blangka ni Reyes at error ng Lady Eagles para sa 22-20 abante at tatlong sunod na puntos ni Galang.

Ang panalo ay nagbigay sa ikasiyam na titulo sa La Salle at para rin sa coach nitong si Ramil De Jesus na itinala ang kanyang kabuuang 232 panalo kontra sa 62 kabiguan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Nabigo ang nagtatanggol na kampeong Ateneo na maisukbit ang ikatlong sunod na korona.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

What's trending