Evangelista, Mendoza kampeon sa National Juniors Chess Championships
INUWI nina Paul Robert Evangelista at Women Fide Master Shaina Mae Mendoza ang kanilang pinakaunang titulo bilang mga kampeon sa boys at girls division sa nagtapos Miyerkules ng gabi na 2016 National Juniors Chess Championships sa National Athletes Lounge sa Vito Cruz, Maynila.
Hindi nabigo sa siyam nitong laban ang 19-anyos at 3rd year Architecture student sa Far Eastern University na si Evangelista kung saan itinala nito ang anim na panalo at tatlong tabla upang tipunin ang kabuuang walong puntos para makamit ang kanyang pinakamalaking tagumpay sa paglalaro ng chess.
“First time ko po na solong manalo sa tournament at dito pa sa National Juniors,” sabi ng mula Bolinao, Pangasinan na si Evangelista na hindi lamang nakamit ang insentibo maging representante ng Pilipinas sa World Juniors kundi pati na rin ang kanyang ranggo bilang National Master.
Pinakatampok sa panalo ng 16th seed na si Evangelista ang pagwawagi kontra International Master Paolo Bersamina sa ikalimang round na nagtulak dito sa liderato ng torneo na para sa edad 20-anyos pababa.
Pumangalawa kay Evangelista (Elo 1981) ang No. 1 seed na si Bersamina (2378) na may 7.0 puntos at ikatlo si Rhenzi Kyle Sevillano (2059) na may 7.0 puntos din. Ikaapat ang 12th seed na si Artrino Paul Fortin (2033) na may natipon na 6.5 puntos.
Ikalima hanggang ikasampu na may 6.0 puntos sina 31st seed Mark Kevin Labog (2288), 5th seed Jeth Romy Morado (2123), 33rd seed Nelson Busa Jr. (2040), 27th seed Daniel Quizon (1777), 22nd seed CM Stephen Rome Pangilinan (1928) at ang 8th seed na si Jonathan Jota (2078).
Nagtipon naman ang 17-anyos at incoming 3rd year Education student sa FEU na si Mendoza (Elo 2193) ng kabuuang 7.0 puntos upang masolo ang tropeo at kalakip na premyo sa girls division.
Pumangalawa si WFM Marie Antoinette San Diego (2109) sa 6.5 puntos habang may 5.0 puntos sina WFM Michelle Yaon (1954) at Kylen Joy Mordido (1729). Magkakasalo sa 4.5 puntos sina Crissa Canada (2004), WCM Mira Mirano (1786), WFM Allaney Jia Doroy (1824), Virgenie Ruaya (1961) at Venice Vicente (1820) habang si Lovely Iris Reyes (1847) aymay 4.0 puntos.
Dahil sa pagiging kampeon, sina Evangelista at Mendoza ang magiging representante ng bansa sa World Juniors 55th Boy’s & 35th Girl’s Chess Championships 2016 sa Bhubanesbar, Odisha, India sa Agosto 7-22.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.