IPINAKITA ni Rain or Shine Elasto Painters guard Maverick Ahanmisi ang kompiyansa na bihirang makita sa isang rookie matapos na ang Fil-Nigerian playmaker ay bumida sa 98-94 panalo ng Rain or Shine laban sa San Miguel Beermen sa Game 1 ng kanilang 2016 Oppo PBA Commissioner’s Cup semifinal series noong Linggo sa Smart Araneta Coliseum.
Tumaas ang kompiyansa ni Ahanmishi matapos na hindi pa nagagamit ng husto si Paul Lee bunga ng tinamong knee injury.
At nakita ito kontra Beermen kung saan gumawa siya ng team-high 23 puntos na sinamahan pa niya ng siyam na rebounds at tatlong assists.
Ang dating manlalaro ng University of Minnesota ay nagkaroon ng solidong all-around game laban sa Barangay Ginebra Kings kung saan nag-ambag siya ng 14 puntos, apat na rebounds at apat na assists para sa Rain or Shine na winalis ang Barangay Ginebra, 2-0, sa kanilang quarterfinal series.
“Si Maverick malaki ang naitulong niya sa point guard chores kaya hindi kailangan solohin ni Paul lahat,” sabi ni Rain or Shine coach Yeng Guiao patungkol sa No. 3 overall rookie pick noong nakaraang taon.
Bunga ng kanyang mahusay na paglalaro sa huling dalawang laro ay nakuha ni Ahanmisi ang kanyang kauna-unahang Accel-PBA Press Corps Player of the Week award para sa period na Abril 18-24 kung saan tinalo niya para sa parangal sina Eric Menk at Calvin Abueva ng Alaska Aces at San Miguel Beer guard Chris Ross.
Samantala, asinta ng Rain or Shine ang 2-0 semis lead laban sa San Miguel Beer ngayong alas-7 ng gabi sa Smart Araneta Coliseum sa Cubao, Quezon City.
Maliban kay Ahanmisi, sasandalan pa rin ni Guiao sina Pierre Henderson-Niles, Jeff Chan, Jericho Cruz, Gabe Norwood, Paul Lee at Raymond Almazan.
Aaasahan naman ni San Miguel Beer head coach Leo Austria sina Tyler Wilkerson, June Mar Fajardo, Arwind Santos, Alex Cabagnot, Marcio Lassiter, Ronald Tubid at Ross.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.