ANG pait sa panlasa nang binitiwang joke nitong si presidential bet Davao City Mayor Rodrigo Duterte hinggil sa panggagahasa sa isang Australyanang misyonaryo na nangyari noong 1989.
Sa isang youtube post na ngayon ay nagba-viral sa social media, maririnig ang alkalde na nais maging pangulo ng bansa ng ganito:
“P***** i**, sayang ito. Ang nagpasok sa isip ko, nirape nila, pinagpilahan nila doon. Nagalit ako kasi nirape? Oo, isa rin ‘yun. Pero napakaganda, dapat ang mayor muna ang mauna. Sayang,” bahagi ng kanyang pahayag na ginawa sa isang rally.
Mainit na pinag-uusapan ang isang minutong video na bahagi ng full length video na ipinost sa Facebook Page na CinEmotion Digital Films (na ngayon ay tinanggal na). At kasunod noon, ay kabi-kabilang pagbatikos na ang i-nabot ng alkalde na dati na ring “nasunog” dahil sa katabilan ng kanyang dila.
Una na niyang minura si Pope Francis dahil sa pagbisita nito noong isang taon na nagdulot ng matinding trapiko sa maraming lansangan sa Metro Manila. Kilala ang mayor sa kanyang barubal na pananalita – isang bagay namang kinagigiliwan ng kanyang mga tagahanga at tagasuporta.
Wika nga nila, aanhin nga naman daw nila ang isang presidentiable na malumanay at magalang magsalita kung mandarambong naman o kaya ay walang tunay na pagmamahal sa bayan, at walang determinasyon para labanan ang krimen at droga. May punto nga naman sila.
Pero, dapat bang palagpasin at bigyang katwiran pa ang malinaw na pahayag ng pagbibiro ng isang nagnanais na maging pangulo sa isang seryosong isyu gaya ng rape? Dapat pa bang palakpakan, ikatuwa ang ganitong uri ng biro? Kung papansinin ding mabuti ang video, maririnig at makikita ang mga nakapalibot sa kanya at maging ang mga nanonood at nakikinig sa kanya ay naghalakhakan sa kanyang biro. Marahil, marami rin ang nainis at napaismid…
Minsan ang actor na si Vice Ganda ay naipit na rin sa ganitong kontrobersya. Ito ay nang gawin niyang sentro ng kanyang rape joke ang kilalang broadcast journalist na si Jessica Soho. Inulan siya ng batikos mula sa iba’t ibang sektor, ma-ging ng kanyang mga tagahanga. Kasabay ng mga pagkondena sa kanya ay pinangaralan siya tungkol sa rape – na ito ay isang isyu na hindi dapat idinadaan sa biro.
Pero ngayon, ang isang alkalde na maraming tagahanga, maraming tagasuporta at posibleng maging pangulo ng bansa ay tila binibigyan pa ng katwiran ng ilang mga tagasu-nod sa ginawa nitong pagbibiro sa isang rape victim na bukod sa ginasa ay pinatay pa.
Nasan ang respeto?
Ang paalalang ito ay hindi lamang para sa alkalde na maaaring siyang maging susunod na residente ng Malacanang, kundi sa kanyang mga tagasunod, na ang bawat isa, maging sila na biktima ng rape, ay kailangang itrato ng may respeto at dignidad, lalo pa’t ang isa ay malaon nang patay.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.