LEGAZPI CITY — Nagtala agad ng bagong record si Mea Gey Niñura mula Davao Region sa pinakaunang event ng 2016 Palarong Pambansa matapos magtala ng matinding upset sa secondary girls 3,000m run sa pagsisimula Lunes ng umaga ng mga kompetisyon dito sa Bicol University Albay Sports & Tourism Complex.
Isinumite ng 16-anyos na Grade 10 student sa Kapatagan National High School na si Niñura ang kabuuang 10 minuto at 03.43 segundo upang hindi lamang angkinin ang bagong record kundi talunin din ang nagtatanggol na tatlong beses nagkampeon at may hawak sa binura nitong record na si Jie Ann Calis ng Northern Mindanao.
“Masaya po ako dahil maipapakita ko na sa mga magulang ko ang gintong medalya. Lagi po kasi akong pangalawa lamang kay Calis at inspirasyon ko sila para manalo kasi kahit na nag-iisa lang akong anak ay gusto ko po silang matulungan,” sabi ni Niñura na kinukuha ng ilang malalaking eskuwelahan sa Estados Unidos.
“It is a great achievement for her,” sabi lamang ng coach nito na si Maylene Quimque, isang Bachelor of Physical Education Major graduate na inamin na kinukuha ang long distance specialist na estudyante ng UCLA-Berkeley at University of Southern California-Oregon pati na rin mismo ang University of Santo Tomas (UST).
“I want her to grab the opportunity,” sabi pa ni Quimque. “She has been living with me when she started running in Grade 5 hanggang sa mapanalunan niya ang kanyang unang gold dito sa Palaro. Nakikita ko sa kanya na talagang pursigido siya kaya mas gusto ko na masanay siya kontra sa magagaling sa ibang bansa.”
Bagaman pumangalawa ay nagtala rin ng kanyang personal best ang tatlong sunod na taon na nagtala ng record na si Calis sa isinumite nitong 10:07.80 na tumabon sa kanyang huling itinalang record noong nakaraang taon na 10:10.16 noong 2015 Palarong Pambansa sa Tagum, Davao Del Norte .
Nagsipagwagi rin ng ginto para sa kani-kanilang rehiyon sina John Marvin Rafols ng Central Visayas sa secondary boys long jump, Ronald Lacson ng Western Visayas sa secondary boys javelin throw at si Daniella Camonoga ng host province na Bicol Region na nagwagi sa elementary girls shot put.
Bahagyang nabalot ng komento ang secondary boys long jump matapos na magtabla sa naitalang natalon na 6.91 metro sina Rafols at si Jaymark Gascon ng Ilocos Region. Gayunman, iginawad ang gintong medalya sa 17-anyos mula sa University of Cebu na si Rafols na nakamit ang kanyang unang gintong medalya sa Palaro.
Unang natalon ni Gascon ang 6.91 metro sa kanyang ikalimang talon habang naabot ni Rafols ang 6.91 sa kanyang ikaanim at huling talon. Bahagyang nagkadiskusyunan kung alin ang susundin na kautusan sa pagitan na pinakauna na nakatalon sa pinakamataas ang dapat na magwagi subalit sinunod ang nagtala ng second best jump.
Unang natalon ni Rafols ang 6.79 sa ikalima nitong talon upang tabunan ang kanyang personal best habang nakamit ni Gascon ang 6.61 sa ikatlong jump. Ikatlo si Nino Asores ng Eastern Visayas na may natalon na 6.64.
Ibinigay naman ni Camonoga ang unang ginto sa host na Bicol Region sa elementary girls shot put sa paghagis nito sa layong 9.46m. Ikalawa si Emajel Duran ng Negros Island (9.15m) para sa pilak at ikatlo si Valerie Cassandra ng Wester Visayas (9.07m) para sa tanso.
“Nais ko pong magpulis para matulungan ko po ang mga magulang ko,” sabi ng 13-anyos na si Camonoga, na ika-13 sa 16 na magkakapatid at tanging atleta sa pamilya na mula sa Guinobatan, Albay. Ito ang unang gintong medalya ni Camonoga sa kanyang unang paglahok sa Palaro.
Nagwagi naman sa secondary boys javelin throw si Ronald Lacson ng Western Visayas sa inihagis na 55.81m, ikalawa si Marjoe Igbalik ng Region IX (55.45m) at si Noel Balutan ng Region IV-B (51.15m).
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.