BALIKTAD na talaga ang mundo ngayon.
Ang dati-rating gumagawa ng kasamaan noon na medyo natatakot pa sa batas ang ngayon ay malakas ang loob na manakot na magsasampa ng reklamo sa kanilang mga binibiktima.
Gaya na lang nitong kasong inilapit sa atin ng kababayan tatawagin na lang natin na si AB.
Inalok umano siya ng trabaho patungong Dubai. Walang ahensiya dito sa Pilipinas kundi direct-hiring daw.
Walang opisina ang recruiter sa Pilipinas. Sa bahay lamang daw ito nagtatrabaho at nagkita lamang sila ni AB nang nagpa-medical ito.
Patuloy na nagpo-proseso ng mga dokumento si AB. Nagsumite siya ng bawat papel na hinihingi ng recruiter maliban sa kanyang pasaporte. Hindi niya ibinigay iyon.
Huling pag-uusap nila ng recruiter, sinabihan siyang magba-back door daw sila.
Ibig sabihin ay lalabas muna siya sa Malaysia saka lilipat ng eroplano patungong Dubai.
Kinabahan na si AB sa plano sa kanya ng recruiter.
Nang mabanggit niya ito sa kanyang mga magulang, natakot sila na maaaring ikapahamak ni AB ang gagawing paga-abroad.
Naisip nilang puwedeng pagbitbitin ng droga si AB o di kaya’t wala naman talagang trabahong naghihintay sa kaniya doon.
Sa puntong iyon, hindi na nila pinayagan si AB na umalis patungong Dubai.
Nang kinausap ni AB ang kanyang recruiter na umuurong na siya, galit na galit ito sa kanya.
Pinagbabayad siya ng umano’y mga ginastos daw niya sa pagpo-process ng kanyang pag-alis.
Tinakot pa nito si AB na kung hindi sila babayaran, idedemanda siya nito.
Palibhasa’y di sanay sa ganitong takutan, labis na nababahala si AB at kanyang pamilya sa kung anong gawin ng recruiter.
Kaya’t inilapit nila ito sa Bantay OCW, at nakipag-ugnayan ang programa sa naturang recruiter.
Sinabihan namin ito na baka siya ang mademanda at posibleng makulong ng habambuhay sa kasong illegal recruitment kung hindi niya tatantanan si AB. Ipinagbigay-alam na ng Bantay OCW sa awtoridad ang modus operandi ng naturang illegal recruiter.
Patuloy naming pinag-iingat ang ating mga kababayan na huwag na huwag papatol sa mga taong nangangako ng direktang trabaho sa ibayong-dagat.
Hindi puwedeng tourist visa ang ipagagamit sa inyo kung talagang pagtatrabaho sa ibayong dagat ang inyong layunin.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer DzIQ 990 AM mula Lunes hanggang Biyernes, alas 10:30 ng umaga hanggang alas-12 ng tanghali. Helpline: 0998.991.BOCW Website: bantayocwfoundation.org E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.