Kim Wong nagsoli na nga ng pera pinagdududahan pa rin
INUMPISAHAN na ng casino junket operator na si Kim Wong ang kanyang pangako na isosoli niyang lahat ng perang natanggap niya sa mga Chinese high rollers na diumano’y kasali sa pagnakaw ng $81 million sa Bangladesh central bank at ni-launder sa ating bansa.
Ibinigay ni Kim ang $4.6 million sa Bangko Sentral ng Pilipinas. Una ito sa mga perang napunta sa kanya na P709 milyon lahat-lahat na kanyang isosoli sa mahirap na bansa.
Wala nang kasing dakila sa ginawa ni Kim.
Pero hindi kinikilala ng ilang miyembro ng Anti-Money Laundering Council (AMLC) ang kabayanihang ginawa ni Kim. Sinabi pa nga nila na hindi pa siya ligtas sa imbestigasyon na ginagawa nila.
Bago pa man ay sinampahan na ng AMLC ng freeze order ang mga bank accounts ng negosyante Tsinoy at ilan pa kaugnay sa money laundering.
“No, there is no quid pro quo here,” sabi ng AMLC member na si Emmanuel Dooc nang tanungin ng INQUIRER kung ang kasong isinampa sa kanya ay maibabasura na matapos niyang umpisahang isoli ang nakaw na pera.
“Wala kaming pinagusapan (ni Kim tungkol sa pagbabasura ng kaso laban sa kanya),” ani AMLC executive director Julia Bacay-Abad.
Sa halip na purihin si Kim ay nakatanggap siya ng salita galing sa dalawang opisyal ng AMLC na nagpapahiwatig na siya’y magnanakaw at kailangang usigin ng batas.
Narinig ba nina Dooc at Abad ang sinabi ni Wong sa Senate blue ribbon committee kung bakit napunta ang ilan sa mga nakaw na halaga sa kanya?
Ang kasalanan lang ni Kim—kung matatawag mong kasalanan ito—ay maging panauhin niya ang mga magnanakaw na long-time casino players.
Isa sa kanila ay natalo ng malaki sa casino at nangutang kay Kim ng P476 milyon upang mabawi ang kanyang natalo.
Paano naman malalaman ni Kim na ang ibinayad sa kanya ng Tsino na utang, at maging ang perang inentrega sa kanya para isugal, ay nakaw pala?
Matagal nang kliyente ni Kim Wong ang mga Tsino na galing sa China.
Ang $4.6 milyon na kanyang unang isinoli noong Huwebes sa Bangko Sentral ay inentrega sa kanya na ipangsusugal sana ng kanyang mga bisita.
Bilang junket operator, inaasikaso ni Kim ang kanyang mga bisitang high rollers at tinutugunan niya ang kanilang mga pangangaila-ngan, kasama na ang paghawak ng kanilang pera.
Nang malaman ni Kim na ang perang nasa kanya at ibinayad sa kanya ay nakaw, hindi siya nag-alinlangan na isoli ito.
Sabi pa ng kanyang mga anak sa kanya: “Pa, kahit na maghirap tayo dapat ay isoli natin ang perang alam na natin ay ninakaw.”
Kung mandurugas si Kim hindi niya isosoli ang pera.
Wala siyang pakialam sa kasong isinampa sa kanya.
Sa ganoong kalaking halaga gasino lang ang halagang P20 milyon, for example, na maaaring isuhol niya sa judge na lilitis sa kanya.
Karamihan sa ating mga judges ay nasusuhulan.
At habang ang kaso ay nasa korte, makapagpiyansa si Kim at makapagtampisaw sa good time dahil ang money laundering ay hindi naman heinous crime.
Noong dekada ’70, nagkaroon ng windfall ang mag-asawang Pinoy nang ang Mellon Bank sa America ay nagkamaling maglagay ng milyon-milyong dolyar sa kanilang account.
Hindi isinoli ng mag-asawa ang perang aksidenteng napunta sa kanila.
Pero itong si Kim ay napaka-honest at napaka-onorableng tao upang hindi niya isoli ang perang hindi sa kanya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.