Kasong parricide inihain laban sa asawa ng pinatay na misis at anak sa Sta. Rosa
SINAMPAHAN na ng kasong parricide ang mister na si Richard Sta. Ana, kaugnay ng pagpatay sa kanyang misis at anak na lalaki sa loob ng kanilang bahay sa Sta. Rosa City, Laguna noong Marso 2.
Sinabi ni Laguna provincial director Senior Supt. Ronnie Montejo na isinampa ang kaso laban kay Sta. Ana sa Sta. Rosa City prosecutor’s office.
Kinasuhan naman ng homicide ang sumukong suspek na si Ramoncito Gallo at isa pang salarin.
Sumuko si Gallo, 25, sa mga otoridad noong Biyernes. Hindi pa isinapubliko ng pulis ang pangalan ng isa pang suspek habang pinaghahanap pa ito.
Sa kanyang salaysay sa pulis, sinabi ni Gallo na binayaran sila ni Sta. Ana, 29, para patayin ang kanyang misis na si Pearl Helene Sta. Ana, 29, at isang-anyos na anak na lalaki na si Denzel.
Pinatay sina Pearl at Denzel ng dalawang lalaki na nagpanggap bilang Internet service repairmen.
Base sa autopsy, pinatay ang mga biktima gamit ang isang martilyo. Lumalabas na ni-rape din si Pearl.
Namatay si Denzel sa ospital ilang oras matapos ang pag-atake, samantalang namatay si Pearl noong Marso 5.
Idinagdag ni Montejo na batay sa pahayag ni Gallo, binayaran sila ni Sta. Ana ng inisyal na P10,000 at nagbigay ng karagdagang P50,000 matapos ang krimen.
Sinabi ni Gallo na hindi umano sinabi ni Sta. Ana na ang misis at anak niya ang kanyang ipinapapatay.
“What Sta. Ana told the killers was the target was a spouse of his sibling who was having an affair,” ayon pa kay Montejo.
Nais umanong gumanti ni Sta. Ana.
“The word he used was ‘resbak,’” dagdag ni Gallo.
Idinagdag pa ni Montejo na sinabi ni Gallo na hindi naman siya kasama nang inutos ni Sta. Ana ang pagpatay sa bata.
Iginiit naman ng abogadong si Persida Acosta, chief ng Public Attorney’s Office (PAO), na nagrerepresenta kay Sta. Ana, na hindi nagtatago ang kanyang kliyente.
“He is innocent per evidence. Why would a father have his child, who looked very much like him, killed?” sabi ni Acosta.
“If those were really hired killers, why leave [their targets] alive?” ayon pa kay Acosta.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.