LOS ANGELES — Nagtala ang Los Angeles Lakers ng nakakagulat na 112-95 panalo sa Golden State Warriors para ipalasap sa defending champions ang ikaanim na pagkatalo ngayong season sa kanilang pinakamalaking NBA upset victory.
Umiskor si Jordan Clarkson ng 25 puntos, si D’Angelo Russell ay may 21 puntos at si Kobe Bryant ay nagdagdag ng 12 puntos para sa Lakers na nagsagawa ng pambihirang pagwawagi sa farewell season ni Bryant.
Pinangunahan ni Stephen Curry ang Warriors, na naging masagwa ang opensa sa laro, sa ginawang 18 puntos kung saan sumablay siya sa 26 sa 30 tira mula sa 3-point range.
Ang pagkatalo ng Warriors ang una matapos na makatikim ng 32 puntos na tambakang pagkatalo sa Portland noong Pebrero 19 at bumagsak sila sa 55-6 kung saan habol pa rin nila ang NBA record na 72 panalo sa isang season.
“We got what we deserved,” sabi ni Warriors coach Steve Kerr. “When the ball doesn’t go in, you have to win with energy and defense and toughness and we didn’t have any of that.”
Sa Canada, kumana si James Harden ng 40 puntos at 14 assists para sa Houston Rockets na tinalo ang Toronto, 113-107, at winakasan ang franchise-record na 12-game home winning streak ng Raptors.
Natalo ang Raptors sa kanilang home court sa unang pagkakataon magmula noong Enero 3 laban sa Chicago Bulls habang ang Rockets ay nanalo sa Toronto sa unang pagkakataon magmula noong 2006-07 season.
Si Corey Brewer ay gumawa ng 23 puntos mula sa bench para sa Rockets, na naghabol sa 18 puntos sa ikalawang yugto.
Nagtala si Kevin Durant ng 32 puntos at 12 rebounds habang si Russell Westbrook ay ipinoste ang kanyang ika-10 triple-double ngayong season para tulungan ang Oklahoma City Thunder na mapigilan ang Milwaukee Bucks, 104-96.
Si Westbrook ay nagtapos na may 15 puntos, 10 rebounds at 11 assists para sa Thunder, na nakalamang ng 21 puntos may anim na minuto ang nalalabi sa ikatlong yugto bago muntikan na patumbahin ng Bucks.
Sa Detroit, umiskor si Reggie Jackson ng 30 puntos para sa Detroit Pistons na giniba ang Portland Trail Blazers, 123-103.
Si Jackson ay gumawa ng 40 puntos ng talunin ng Detroit ang Portland noong Nobyembre 8, kabilang ang 26 sa ikaapat na yugto. Ipinagpatuloy naman niya ito sa kanilang rematch kahapon kung saan umiskor siya ng 11 puntos sa unang yugto kung saan nagtayo ang Pistons ng 30-16 bentahe.
Kinamada ni D.J. Augustin ang huling walong puntos ng Denver sa overtime, kabilang ang dalawang free throws may 0.9 segundo ang nalalabi para maungusan ng Denver Nuggets ang Dallas Mavericks, 116-114.
Si Augustin ay nagtapos na may 12 puntos para tulungan ang Nuggets na makabawi buhat sa overtime pagkatalo sa Dallas noong Pebrero 26.
Nagtala si Devin Booker ng 27 puntos at siyam na assists para sa Phoenix Suns na dinaig ang Memphis Grizzlies, 109-100.
Gumawa si Hassan Whiteside ng pitong blocked shots, kabilang ang isang krusyal na supalpal sa huling yugto para tulungan ang Miami Heat na magwagi ng limang sunod na laro matapos talunin ang Philadelphia 76ers, 103-98.
Nalasap ng Sixers ang ika-12 diretsong pagkatalo bagamat ang Heat ay sumablay ng 10 sunod na tira sa second half at hindi nakagawa ng basket ng halos walong minuto.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.