5-anyos na anak sinaksak ng ina sa loob ng simbahan sa Mandaue City
NAGULANTANG ang lahat ng nagsisimba sa National Shrine of St. Joseph sa Mandaue City nang bigla na lamang saksakin ng isang ginang ang kanyang 5-anyos na anak na babae sa kalagitnaan ng misa.
Ayon sa ulat, nagbibigay ng sermon ang pari na si Fr. Benjamin Cortes, nang biglang magalit ang 29-anyos na nanay na si Merlyn Abao, at nagsisigaw saka sinaksak ang anak ng basag na bote. Apat na beses nitong inundayan ng saksak ang bata bago pa naawat nang mga nagsisimba.
Nakaupo pa ang mag-ina sa unahan, sa harap ng altar ng national shrine habang nakikinig ng misa ganap na alas-4:30 ng umaga.
Nagtamo ang biktima ng mga sugat sa dibdib at mga braso, ayon sa pulisya.
Dinala ng mga volunteer ng simbahan ang bata sa Mandaue City District Hospital para lapatan ng lunas, at inilipat din sa Don Vicente Sotto Memorial Medical Center (DVSMMC) sa Cebu City.
Sinabi ni PO1 Juliet Trogo of the Women’s Desk of Police Station 1 na pansamantalang isinailalim sa kustodiya ng isang guwardiya ng simbahan si Abao habang hinihintay ang pagdating ng mga pulis.
Matapos nito ay dinala rin ang ginang sa DVSMMC psychiatric ward habang hinahanap ng mga pulis ang ka-live in niya na nagtatrabaho bilang panadero sa kalapit na Barangay Centro.
Nakatira si Abao, na tubong Bohol, sa Barangay Cambaro na tinatayang isang kilometro ang layo mula sa national shrine, kasama ang kinakasama, na stepfather naman ng sinaksak na biktima.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.