Hinihinalang ‘mangkukulam’ binoga, sugatan
Sugatan ang isang 68-anyos na babae sa Malasiqui, Pangasinan, nang pagbabarilin ng di pa kilalang salarin dahil umano sa kanyang pangkukulam, iniulat ng pulisya kahapon.
Di tinamaan ng bala si Susana Chua, pero nagtamo ng mga sugat at pamamaga sa braso at paa dahil sa mga batong tumalsik bunsod ng pamamaril, ayon sa ulat ng Pangasinan provincial police.
Naganap ang insidente dakong alas-4:30 ng umaga Lunes sa bahay ni Chua sa Brgy. Anolid.
Katatapos lang ni Chua na maghugas ng mga gamit pangluto at papasok na ng bahay, nang paputukan ng tatlong beses ng di kilalang tao, sabi ng kanyang apo sa pulisya.
Agad namang tumakas ang salarin dala ang ginamit na baril, pero narekober ang tatklong slug at dalawang basyo ng kalibre-.45 pistola sa pinangyarihan.
Pinaniniwalaan na binaril si Chua dahil sa diumano’y pangkukulam ng matanda, ayon sa ulat.
Di ito ang unang beses na may naiulat na pamamaril sa mga pinaghihinalaang mangkukulam sa Pangasinan.
Noong Oktubre 2013, binaril at napatay ang 59-anyos na si Delia Tapiador sa Urbiztondo dahil din umano sa pangkukulam.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.