Umabot na raw sa P4-B ang nalulugi sa TV5 dahil sa pagkuha ng malalaking artista
Ilang beses nang nasusulat ang sobrang laki ng lugi ng TV5 dahil sa kapipirata nila ng malalaking artista mula sa ABS-CBN at GMA 7 bukod pa ‘yan sa mga binabayarang executive na kasalukuyang nakaupo ngayon na tutulong daw sa mga programa nilang hindi gaanong kumikita at nagri-rate.
Ang latest, umabot na raw sa P4.1 billion ang lugi ng TV5 mula noong pamahalaan ni Manny V. Pangilingan ang network tatlong taon na ang nakararaan.
Tandang-tanda pa namin noong 2009, sobrang bongga pa ang Christmas party ng network para entertainment press at nabalitaan din namin na happy din ang lahat ng empleyado ng TV5 dahil walang umuwing luhaan sa kanila noon.
Sa taong 2010 umingay ng husto ang TV5 dahil ito ang taong namimirata na sila ng mga malalaking artista mula sa ABS at GMA.Kaya naman nawindang ang lahat dahil sobra-sobrang laking pera ang in-offer ng TV5 sa mga kinukuha nilang artista para mapapayag silang lumipat at ito rin ang taong napunta sa kanila si Willie Revillame.
Ibinigay ng network ang lahat ng kahilingan nito para sa programa niya, na halos ang TV host na lang ang kumikita mula sa mga sponsor.
At heto nga, taong 2011 ay nagbawas na ng gastusin ang TV5, ang malawakang presscons ay naging pocket presscons na lang at ang malaking Christmas party para sa mga empleyado ng network ay nawala na rin at balita namin para lang maitawid ito ay nagkanya-kanyang party ang bawa’t department na galing mismo sa budget ng bawa’t programa.
Pero ang pa-Christmas party para sa entertainment media ay bongga pa rin dahil malalaki pa rin ang mga papremyo para sa parapol at sa mga games.
Pero ngayong 2012, dito na talaga umamin ang ilang executive ng TV5 na malaki na nga ang lugi nila dahil nga sa mga pinagbibili nilang equipment at sa talent fee ng mga malalaking artista nila bukod pa sa sandamakmak na programang ini-launch nila na milyones ang budget.
“Actually Reggs, may mga pumapasok naman, kaya lang natatabunan talaga ng gastos kasi admittedly, iilang programa palang naman namin ang kumikita at nagri-rate, so positive naman kami na by 2015 bawing-bawi na kami,” katwiran sa amin.
Nabanggit din na totoong malaki ang lugi, pero hindi raw lahat ng nasusulat sa diyaryo ay totoo, kaya tinanong namin kung ano ang hindi totoo, pero hindi muna kami sinagot ng aming kausap.
Sa ibang araw na lang daw kami magkuwentuhan.
Tinanong namin siya ng diretso kung bakit panay pa rin ang kuha nila ng mga artista gayung hindi pa naman sila kumikita?
“Hindi kami kumukuha o namimirata, ang mga artistang ito ang nagsasabing gusto nilang lumipat sa amin kasi hindi sila totally nabibigyan ng show sa pinanggalingan nilang network.
Actually ‘yung iba hindi naman malalaki ang bayad sa kanila, gusto lang nilang magkaroon ng trabaho,” pag-amin ng ating source.
At dahil sobrang laki na ng nawalang pera sa kaban ng TV5 ngayong 2012 ay totally walang Christmas party para sa mga empleyado dahil pati budget ng bawa’t programa nila ay binawasan.
Nabalitaan din namin na ‘yung ibang programa ay may Christmas party pero hindi manggagaling sa pondo ng show kundi manggagaling daw sa mismong bulsa ng mga bossing nila at sa mga artista na kasali sa kanilang mga show para maging masaya naman daw kahit paano ang staff and crew ngayong Pasko.
At maski na lugi ang TV5 ay nagdaos pa rin sila ng Christmas party para sa press na hindi nga ganu’n kabongga, “Ito lang kasi ang panahon para makapagpasalamat ang TV5 sa inyong lahat, Reggs, talagang itinawid namin.” Na sobrang na-appreciate naman namin.
At least nag-effort pa rin sila para kahit paano’y mapasaya nila ang mga members ng press na patuloy na tumutulong sa TV5 at sa kanilang mga programa.
Samantala, nagsama-sama ang MVP Group of Companies para sa apat na oras na telethon para sa mga biktima ng bagyong Pablo kahapon simula 6 hanggang 10 p.m. sa Aksyon TV at Radyo Singko para makalikom ng P100 million.
Nagpapasalamat ang network sa lahat ng mga nagbigay ng kanilang tulong.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.