Seafarer lubog sa utang dahil sa pangakong makakasakay ng barko
LABING siyam na taong gulang si Reggie, isa sa napakarami nating kababayan na nag-aasam na makasakay ng barko, makatulong sa pamilya at kahit papaano, guminhawa ang buhay.
Kumuha siya ng maikling kurso sa seafaring pagkatapos ng high school. Kung kaya’t sa edad na 18 nagsimula na siyang mag-apply.
Isang maritime training center ang nangakong mapapasakay siya ng barko. Ngunit kinakailangan ‘anya nitong magbayad ng P35,000 bilang processing fee.
Sa matinding pagnanais ni Reggie na makasakay na agad, bumalik ito sa kanilang probinsiya at sinabi sa mga magulang ang pangangailangan niya.
Pikit-matang ipinangutang ng kaniyang tatay at nanay ang halagang P35,000. Isinanla pa nila ang lupang sinasaka.
Ngunit magdadalawang taon nang naghihintay si Regie. Katumbas nang paghihintay na iyon ay ang walang humpay at araw-araw na pag-aaway ng kaniyang mga magulang.
Pinag-aawayan ang perang inutang na patuloy na lumulobo dahil sa interes nito.
Kaya naman ipinangutang nila iyon sa pag-asang makakasakay naman kaagad ng barko ang anak at tiyak na makakabayad sa sandaling makasampa na sa barko.
Sa hiya na rin ni Reggie sa mga magulang at hindi na rin nito makayanang makita ang kanilang pag-aaway kung kaya’t naglayas na lamang ito ng bahay.
Umalis siya sa kanilang probinsiya at nagtungo sa Maynila.
Nawalan na rin siya ng pag-asa na mabawi pa ang perang ibinayad sa nanloko sa kaniya. Hanggang sa may nakapagsabi sa kaniyang isumbong sa Bantay OCW ang abusadong training center na iyon.
Kaagad naming pinatawagan ang naturang center at inako naman nilang tinanggap nga nila ang P35,000 ni Reggie.
Willing naman ‘anya silang isauli ang perang iyon basta’t babawiin lamang ni Reggie ang reklamo laban sa kanila, dahil nasisira daw ang kanilang pangalan.
Ibang klase rin itong training center na ito ano? Sila na nga ang nakaperwisyo, sila na ang nakinabang sa pera na halos maghiwalay na ang mag-asawang walang ginawa araw araw kundi ang pag-awayan ang perang iyon, na siyang sanhi na rin ng paglalayas ng batang seaman na nag-ambisyon lamang na makatulong sa pamilya, tapos sila pa ang malakas mag-demand ngayon na sinisiraan sila.
Hindi namin titigilan ang kasong ito at hindi sapat na basta lamang isauli ang naturang pera na pinakinabangan din nila ng maraming mga taon.
Kailangang matikman ng mga tao sa likod ng training center na ito ang kabayaran ng pang-aabusong ginawa nila kay Reggie pati na sa pamilya nito.
Para sa tanong at reaksyon, o may problemang nais idulog kay Susan K, maaaring mag-email sa [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.