French, misis, anak natagpuang patay sa pick-up
Natagpuang patay ang isang French national, misis niyang Pilipina, at 4-anyos nilang anak sa loob ng kanilang pick-up sa Narra, Palawan, kahapon, matapos umanong pagbabarilin, ayon sa pulisya.
Nasawi si Jean Marc Messina, 54; misis niyang si Jewelyn, 25; at anak nilang si Guiliano Steffal, pawang mga residente ng Princesa Homes Subd., Brgy. San Pedro, Puerto Princesa City, sabi ni Supt. Imelda Tolentino, tagapagsalita ng Mimaropa regional police.
Natagpuan ang tatlo sa loob ng kanilang Nissan Navara pick-up (VS-5972) dakong alas-8 ng umaga, sa bahagi ng National Highway na sakop ng Brgy. Poblacion.
Nakita si Messina sa passenger seat sa unahan ng sasakyan, si Jewelyn nakahandusay sa upuan sa likod, at kanilang anak na nakahandusay sa sahig sa likod ng driver’s seat, ani Tolentino.
Kinakitaan ng mga tama ng bala ang tatlo, aniya.
Inaalam pa ng lokal na pulisya kung paano naganap ang pamamaril at sino ang nasa likod nito.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.