LIMANG araw ang gagawing state visit ng emperor at empress ng Japan sa Pilipinas.
Tiyak na malaking halaga ang gugugulin ng pamahalaan sa pagtanggap sa bansa sa mga dugong-bughaw na sina Emperor Akihito at Empress Michico.
Ang pagbisitang ito ay bilang paggunita na rin sa ika-60 taon ng normalisasyon ng diplomatikong ugnayan sa pagitan ng Pilipinas at Japan matapos ang masaklap na pangyayari na idinulot ng World War II.
Ibig sabihin lang nito ay meron nang pagkilala na tapos na, tuluyan nang tinuldukan at nilimot ang ginawang karahasan at pang-aabuso na ginawa ng mga Hapones sa mga Pilipino noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig.
Pero, totoo bang may closure na ito?
Tila kulang pa o hindi pa tuluyang naisasara ang ilang isyung ito sa pagitan ng dalawang bansa, kung ang tatanungin ay ang ilan nating mga kababayan na mapalad pa ring nabubuhay hanggang ngayon na nakaranas ng pagmamalupit ng mga sundalong Hapon noong kasagsagan ng gera.
Kung ang tatanungin ay ang ating mga kababaihang inabuso o pinagsamantalahan ng mga miyembro ng Japanese Imperial Army, o silang mga tinaguriang comfort women, na hanggang ngayon ay napapaiyak pa rin sa tuwing naaalala ang masamang kahapon, tiyak na hindi pa nga tapos ang nasabing isyu sa pa-gitan nila at ng kanilang mga salarin.
Mahirap sabihin na sarado na nga ang isyung ito kung hanggang ngayon ay may umiiyak at halos sumabog ang dibdib dahil sa mapait na alaala ng kahapon, habang humihingi ng katarungan.
Mahirap sabihin na nakapagpatawad na ang nagawan ng karahasan, kung unang-una, hindi naman tanggap ng mga nagkasala ang kanilang ginawang pagkakamali.
Ngayong narito sa bansa ang pinakamararangal na indibidwal ng Japan, ito na siguro ang pinakamagandang pagkakataon na maipakita na tunay ang kanilang pakikipag-kaibigan sa ating bansa. Ito ang pagkakataon na ihingi nila ng paumanhin ang mga Hapones na nambiktima ng ating mga kababayan.
Batid natin kung gaano kasakit ang idinulot ng Ikawalang digmaan sa buong daigdig, lalo na sa ating mga kababaihan na hanggang ngayon ay humihingi ng hustisya.
Marami ang sa kanila na ngayon ay mga lola na at kinamatayan na ang paghihintay sa paumanhin ng mga lumapastangan sa kanilang pagkatao, at iilan na lang sila ngayon na umaasa at nanalangin na makakamit na nila ang mailap na hustisya.
Hindi malilimot ang sakit na idinulot ng digmaang ito kahit ilang taon na ang nagdaan.
Ganap lang na maghihilom ang mga sugat na naidulot ng ikalawang digmaang pandaigdig, partikular na ang karahasan ng mga sundalong Hapon, kung maisasakatuparan ang hinihiling na public apology, at pag-compensate sa kanilang mga nabiktimang comfort women.
Pero mukhang kamamatayan na lang nila ang pag-asang ito, lalo pa’t hindi man lang nabanggit ang isyu ng comfort women sa paghaharap nina Pangulong Aquino at ni Emperor Akihito.
Nasaan ang katarungan para sa mga comfort women?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.