Andre Paras single pa rin; di pa dyowa si Barbie
SINGLE na single pa rin daw hanggang ngayon ang Kapuso matinee idol na si Andre Paras. Ibig sabihin, hindi totoong magdyowa na sila ng kanyang ka-loveteam na si Barbie Forteza.
Sa presscon ng bago nilang serye sa GMA Telebabad, ang That’s My Amboy na magsisimula na sa darating na Lunes, sinabi ni Andre na mas gusto niyang mag-focus ngayon sa kanyang career pero inamin niya na siyempre, mas okay daw kung meron siyang inspirasyon.
But as of now, talagang wala pa sa priorities niya ang magkaroon ng seryosong lovelife. Nag-eenjoy lang daw sila ni Barbie sa pagtatrabaho, at mas kailangan daw nilang mag-effort ngayon dahil pang-primetime na nga ang tambalan nila.
Yes, mula sa afternoon slot, inilagay na nga ng GMA ang AnBie tandem sa primetime, mapapanood ang That’s My Amboy pagkatapos ng 24 Oras, ibig sabihin naniniwala ang mga bossing ng Kapuso network na malakas na ang hatak ng kanilang loveteam sa televiewers.
In fairness, nagmarka talaga ang mahigit isang taong serye nila na The Half Sisters at kahit katatapos lang nito, binigyan agad sila ng bagong proyekto dahil na rin sa request ng kanilang mga fans.
Pero kung todo-drama at walang katapusang iyakan ang ginawa nina Andre at Barbie sa huli nilang serye, dito sa bago nilang proyekto, mapapasabak naman sila sa pagpapakilig at pagpapatawa.
Ayon kay Barbie, bukod sa napakaganda na ng tema ng kanilang seye, super happy din siya dahil si Andre pa rin ang katambal niya, na sa totoong buhay ay talagang wala silang ginawa kundi magkulitan.
“Feeling ko medyo nakahinga kami ng maluwag dito sa show na ‘to dahil parehas kaming sobrang-sobrang kalog at sobrang-sobrang harot off cam,” chika ng young actress.
Showbiz na showbiz ang tema ng kuwento ng That’s My Amboy kung saan gagampanan ni Barbie ang papel ni Maru, anak ng isang stuntman. Nagte-training na siya na maging isang stuntwoman nang bigla siyang maging P.A. o personal assistant ng matinee idol na si Bryan Harrison, na ginagampanan nga ni Andre. At dito na nga magsisimula ang kanilang nakaka-inspire pero nakakalokang love story.
Makakasama nila sa That’s My Amboy sina Tonton Gutierrez, John Arcilla, Donita Rose, Kiko Estrada, Jazz Ocampo, Matet de Leon, Meryll Soriano, Maritoni Fernandez, Jerald Napoles, Jan Manual at marami pang iba, sa direksiyon ni Bb. Joyce Bernal.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.