HINAHANAP lagi ang kasiguruhan at kaligayahan. Ibinibigay naman ito ng kampon ng kasinungalingan. Tayo’y tinatakot o inaakit ng kanyang huwad na kapangyarihan. Pagninilay sa Ebanghelyo (1 S 1:9-20; 1 S 2:1, 4-5, 6-7, 8 abkd; Mc 1:21-28, unaang linggo sa karaniwang panahon). Sa pagsasagawa, pinaaalalahanan ang mananampalataya ng pananakot ng makapangyarihan.
Habang nalalapit na ang eleksyon, masigasig ang paalala ng simbahang Katolika, lalo na ang diyosesis ng Malolos, sa lumalabas sa bibig ng mga kandidato, batang Noy man, o hindi. Ang naghahanap ng kasiguruhan at kaligayahan ay ang biktimang taumbayan. Ang pananakot at pang-aakit ay mula sa huwad at sinungaling na mga politiko. Ang pananakot ng makapangyarihan ay magagawa lamang ng nasa poder, ng nasa tuwid na daan.
Hindi rumagasa sa pagsalubong ang taumbayan kay Leni Robredo noong Miyerkules nang magpakita ito sa Antipolo City, Rizal, at Phase 7C sa Bagong Silang, Caloocan City. Ang Bagong Silang ang pinakamalaki at mataong barangay sa bansa at kahit araw ay hindi naghahatid ang taxi ng pasahero rito dahil natatakot ang driver sa maaaring mangyari sa kanya, at kanyang taxi. Sa Bagong Silang, napuno ang covered court, na di kalakihan, dahil kay Along Malapitan.
Eh ano naman kung nakatsinelas siya gayung nakasapatos ang karamihan dahil marumi’t maalikabok ang kalye’t kapaligiran sa Bagong Silang? Nakatingin lang sa kanya ang taumbayan, at hindi nagkandarapa. Sino ba siya? Isang hinog sa pilit nina Aquino’t Roxas? Maaaring manabik ang mga taga-Bagong Silang kay Chiz Escudero, pero mas mainit na sasalubungin si Bongbong Marcos, na ang ama’t ina ang siyang nagtayo ng Bagong Silang.
Kung malamig ang tao kay Leni, giginawin si Mar Roxas kapag siya ang nag-ikot sa Bagong Silang. Tuwad (na daan) ang ti-ngin ng tao sa mga alipores ng nakangangang si Aquino at hindi pabobola ang mahihirap sa mga opisyal na lalong nagpahirap sa kanila. Siyangapala, mas mainit ang pagtanggap ng North Caloocan kay Gloria Arroyo noon.
Kapag masusungal-ngal, lalo na sa muling pagbubukas ng imbestigasyon sa SAF 44, ang reaksyon ng Malacanang at ni BS Aquino ay kulay politika para sirain ang walang bahid na sina Aquino at Roxas. Sa tanim-bala, politically-motivated din daw. Sa nakamamatay na trapik, gayun din daw dahil ang trapik ay kaunlaran sa muta ng dilaw. Hindi bobo ang taumbayan, kahit nalilipasan na ng gutom.
Kung ang ibig malaman ni Juan Ponce Enrile ay kung ano ang ginawa (o hindi ginawa) ni Aquino bago lumusob ang SAF sa Mamasapano at sa pag-atras nito, alam na ng SAF kung ano ang kanyang ginawa at hindi ginawa. Pero, hindi nagsasalita ang SAF sa media dahil ipinagbawal ito. Ang ginawa ni Aquino ay pinabayaan ang SAF at hindi sila tinulungan. Dinedma pa nga sila.
Huwag kalilimutan ang Senate 22. Sila ang mga senador na sinuhulan para lamang ipahiya at tanggalin sa puwesto si Chief Justice Renato Corona. Marami sa kanila ay may ambisyon pang manatili sa pangungurakot at ang iba’y tatakbo pa sa eleksyon. Sa puso ng bawat abogado, hindi sila karapat-dapat. Pero, ang mga abogado ay may kaisipang nilalason din ng interes at pera, tulad ng Senate 22.
MULA sa bayan (0916-5401958): Hay naku. Mananatiling lugmok ang Eastern Samar. Pareho rin ang tatakbong mga politiko. Sila ang yumayaman at kami ang naghihirap. Kaya malakas ang NPA. …8743
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.