NAGWAWAKWAKAN na ang mga opisyal ng Commission on Elections (Comelec). At tila nagpapakilala na sila sa taumbayan kung ano ba talaga ang kanilang mga kulay, base na rin sa kanilang mga inaasal at sinasabi sa isa’t isa at maging sa media.
Nag-iinit pareho ngayon ang bumbunan nina Comelec chief Andres Bautista at commissioner Rowena Guanzon dahil sa kasong kanilang kinakaharap sa Korte Suprema na may kinalaman sa mga disqualification ca-ses na kinasasangkutan naman ng presidential bet na si Senador Grace Poe.
“Irregular at personally disrespectful” ang tinaguri ni Bautista sa kasamahang si Guanzon nang mag-file ito ng comment sa Korte Suprema nang hindi man lamang ito ipinaabot sa kanya at sa iba pang mga komisyuner ng poll body.
Sa komento na isinumite ni Guanzon, hiniling nito sa Korte Suprema na ibasura nito ang dalawang petisyon ni Poe na humahamon naman sa desisyon ng Comelec na nagdidiskwalipika sa senador na makatakbo sa pagkapangulo sa darating na halalan sa Mayo.
Sa yamot ni Bautista, pinagpapaliwanag nito si Guanzon sa pag-akto nito ng personal sa petisyon, at hindi muna hinayaang ma-review ito ng ibang komisyuner.
Sagot naman ni Guanzon, hindi raw siya maaaring diktahan ni Bautista sa kung anong gusto niyang gawin. Hindi raw siya empleyado o “subordinate” lang ng hepe ng Comelec. Giit pa nito, pasalamat pa raw dapat sa kanya si Bautista dahil nag-komento na siya.
Walang pagpipigil sa sarili, binanatan din nito si Poe at ang kanyang kampo matapos kwes-tyunin ang interes nito sa kaso niya. Sagot nito sa kampo ni Poe: “Reklamo ka nang reklamo, kasi talo ka.”
Hindi natin inaasahan na ganitong mga linya ang bibitiwan ng isang gaya ni Guanzon. Hindi rin natin inaasahan na magsosolong kumilos ito gayong naturingang isang “katawan” lang ang Comelec na kanyang kinabibilangan.
Nakakapagduda ang pagmamadaling akto ni Guanzon, na malamang na siyang maglagay rin sa kanya sa posisyon para pag-isipan na siya ay may kinikilingan? At ang ganitong hakbang na walang koordinasyon sa kapwa niya mga komisyuner ang nagbibigay lang sa kampo ni Poe ng dahilan para kwestyunin ang kanyang interes?
Hindi naman problema na manindigan si Guanzon sa paniniwala niya na walang karapatan si Poe na makatakbo dahil sa kakulangan ng residency requirement at kwestyunableng citizenship. Pero yung umasta, magsalita at gumalaw ng solo at walang pakikipag-ugnayan sa mga kapwa niya komisyuner ay hindi maaaring hindi pagdudahan.
Bukod dito, ang bangayan nilang dalawa ni Bautista ang maglalagay naman sa buong komisyon sa alanganin kung magagampanan pa ba nito ang kanyang mandato na tiyakin na magiging maayos, payapa at may kredibilidad ang gagawing halalan sa Mayo, kung sila-silang miyembro nito ay nagbabanatan at hindi magkasundo.
Ngayong araw, magpupulong ang Comelec en banc para resolbahin ang sariling sigalot.
Umaaasa ang Malacanang at ang iba pang mga grupo na matutuldukan ang problemang nangyayari sa pagitan ng mga opisyal ng Comelec, kung hindi, ano pang aasahan natin sa darating na halalan?
Mahalaga ang magiging katatagan ng Comelec. Kung ngayon pa lang ay nakikita na ang pagkakabitak-bitak ng mga tauhan nito dahil sa sinasabing may isinusulong na pansariling interes ang ilan sa kanila, wala na talagang pag-asa pang maging maayos, payapa at may kredibilidad ang eleksyong darating.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.