Shabu dumoble sa Negros Occidental
Tumaas nang mahigit 100 porsiyento ang nakumpiskang shabu at bilang ng mga naarestong drug suspect sa Negros Occidental nitong nakaraang taon dahil sa pinaigting na kampanya laban sa kasabay na pagkalat ng iligal na droga sa lalawigan, ayon sa pulisya.
Umabot sa 2241.83 gramo o P13.45 milyon halaga ng shabu ang nakumpiska noong 2015, mas mataas ng 161.48 porsiyento kaysa sa 857.35 gramo o P5.144 milyon halagang nasabat noong 2014, ayon sa datos na inilabas ni Senior Supt. Samuel Nacion, direktor ng Negros Occidental provincial police.
Umabot naman sa 641 drug suspect ang nadakip, mas madami ng 112 porsiyento kaysa sa 302 na naaresto noong 2014, ani Nacion.
Kasabay ng pagtaas ng mga nakumpiskang shabu at naarestong suspek ang pagdami ng isinagawang anti-drug operation, na umabot ng 403, at pagdami ng naisampang kaso, na umabot sa 842.
Ayon kay Chief Insp. Rico Santotome, hepe ng Provincial Anti-Illegal Drugs Special Operations Task Group, inutos ng pamunuan ng Western Visayas regional police at provincial police ang mas matinding kampanya laban sa iligal na droga noong 2015 kaya madaming nasabat na shabu at nadakip na pusher.
Bukod dito, inamin ni Santotome na noong 2015 ay may napansin din silang pagdami ng mga gumagamit ng shabu sa Negros Occidental, kahit walang namo-monitor na shabu laboratory sa lalawigan at ang kumakalat na droga’y galing lang umano sa ibang lugar.
“Nag-trend during the early part of the year, na ‘yung mga nagbebenta ay binabaan nila ang presyo kaya maraming nakabili. Pero later, around December, tinaasan nila. So kung naadik ka na noon, kahit mataas ang presyo, gagawa ka ng paraan para makabili,” aniya pa.
Samantala, inulat din ng provincial police na dumami rin ang mga nakumpiskang “loose firearms” o di lisensyadong baril at mga naarestong most wanted persons sa Negros Occidental.
Umabot sa 82 high-powered firearms at 185 mababang-kalibreng baril ang nakumpiska habang 138 wanted persons ang nadakip, ani Nacion.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.