Bus sa Commonwealth ave. pasaway na naman
SAYANG lang ang ginastos ng gobyerno (na nangga-ling sa bulsa ng publiko) sa ipinagawang footbridge sa Marcos Highway, sa bahagi ng Cogeo, Antipolo City.
Para kasing ayaw tapakan ng mga tao roon ang footbridge kaya sa kalsada pa rin sila dumaraan.
Hindi naman siguro dahil ayaw nilang gamitin ang footbridge na ipinagawa ni Cong. Robbie Puno, deputy speaker ng House of Representatives.
Panahon pa ito ni Pa-ngulong Arroyo nang ipatayo, kaya naroon din ang kanyang pangalan.
Ang mga nagdaraang mga tao, mga pampasaherong jeepney na ginagawang terminal ang kanto at mga tricycle driver na akala mo ay siyam ang buhay ang dahilan ng trapik sa lugar.
Dagdag pa rito ang ginagawang drainage na nasa gitna ng kalsada.
Kung hindi maiiwasan na maghintay ang mga jeepney, sana lang naman ay tumabi sila nang maayos, hindi ‘yung nakabalagbag sa kalsada para hindi makadaan ang iba pang sasakyan na kaagaw nila sa pasahero.
Hindi naman siguro intensyon ng lokal na pamahalaan na pabayaan itong ganito.
Sa Commonwealth Ave., sa Quezon City ay balik nanaman sa paghari-harian ang mga pampasaherong bus.
Lumalagpas na naman sila sa kanilang lane at nakikihalo na naman sa mga pribadong sasakyan.
Sa laki ng mga ito ay walang magawa ang ibang motorista kapag biglang kumabig pabalik sa outer most para puntahan ang mga nakatayong tao kahit walang kasiguruhan na sasakay sa kanila ang mga ito.
Kung ako naman ‘yung pasahero bakit naman ako sasakay, e takaw aksidente ‘yung driver.
Sa San Mateo, Rizal ay mukhang kailangan ni Mayor Paeng Diaz na mag-sponsor ng eye checkup sa kanyang mga tauhan na nagmamando ng trapik.
Hindi kasi nila makita ‘yung mga lumalabag sa batas trapiko kahit dumaraan na sa harapan nila.
Ang daming nakamotorsiklo na walang suot na helmet at lusutan nang lusutan kahit pinahinto na nila.
Kahit na ang mga “patok” na pampasaherong jeepney na nagmula sa bayan ng Rodriguez (Montalban) na panay ang counter flow ay hinahayaan lang nila.
Kahit pa humihinto ito sa gitna para magsakay at magbaba ay walang ginagawa ang mga traffic enforcer.
Para silang mga mobile ng San Mateo Police na panay ang wang-wang kahit na wala namang emergency at tila sinasabi na wala silang karapatang matrapik.
Kung ang mga patok ay panay ang singitan, para namang nagwawalis ng kalsada ang mga “bulok” na jeepney. Bulok ang tawag ng mga pasahero sa mga lumang jeepney.
Dahil konti na lang ang sumasakay sa mga “bulok” binabagalan ng mga driver ang takbo ng sasakyan para makakuha ng pasahero.
Sabi nga ng isa kong kasakay, baka hinihintay pa raw ni manong driver ‘yung pasahero na naliligo pa lang.
Dumadagdag pa sa trapik ang mga UV Express na biyaheng Rodriguez-Cubao.
Ang orihinal na plano sa mga UV Express sa terminal lamang sila hihinto.
Kaya nga express, walang hintuan sa gitna. Pero sila ngayon ang pumalit sa mga FX taxi noon na dumadampot ng mga pasahero.
Marami sa mga UV Express na Rodriguez-Cubao ay hanggang Guitnang Bayan lang ang biyahe.
Umiikot na sila at nagpapaliko sa may carwash sa tapat ng isang gym kaya nagtatrapik din doon.
Hindi ko lang tiyak kung ang carwash ang kanilang terminal, pero bakit hindi sa Montalban e hanggang doon dapat ang kanilang biyahe.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.