Naghain ng mga petisyon ang presidential aspirant na si Sen. Grace Poe sa Korte Suprema at hiniling na baliktarin ang desisyon ng Commission on Elections na idiskuwalipika siya sa pagtakbo sa 2016 elections.
Nais ni Poe na magpalabas ang SC ng temporary restraining order at status quo ante order upang masiguro na kasama ang pangalan ni Poe sa balota.
Si Poe ay diniskuwalipika ng Comelec First Division sa isyu ng pagiging natural born Filipino at ng Second Division sa isyu ng 10-year residency requirement. Ang dalawang desisyon ay pinagtibay ng Comelec en banc.
Naniniwala si Poe na hindi nakita ng Comelec ang kanyang mga ebidensya na magpapatunay umano na kuwalipikado siyang tumakbo sang-ayon sa nakasaad sa Saligang Batas.
Nakabakasyon ang SC en banc kaya sa Enero pa ito maaaring matalakay at mapagdesisyunan. Umaasa si Poe na agad diringgin ng korte ang kanyang mga petisyon.
“Through arbitrary, capricious, and seemingly orchestrated acts over the past two months, the Comelec has single-handedly imperiled the sovereign right of the Filipino people to elect the 16th President of the Republic of the Philippines,” saad ng petisyon.
Nauna ng kinuwestyon ang timing ng paglabas ng desisyon ng Comelec na nation sa bakasyon. Binigyan nito si Poe ng limang araw, na nagtapos kahapon, para humingi ng TRO sa SC.
Si Poe ang nangunguna sa mga survey ng ihain ng mga kaso laban sa kanya.
Nanalo naman siya sa kasong isinampa sa Senate Electoral Tribunal na nagpapatanggal sa kanya bilang senador.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.
What's trending