UNTI-unti nang naglalabasan ang tunay na kulay ng mga taong dapat ay nagkukubli ng kanilang political color lalo na ngayong kabi-kabila ang mga kasong naghihintay sa kanila na may kaugnayan sa nalalapit na halalan.
Dalawang mahistrado ng Korte Suprema ang napaulat na nakisawsaw na sa usaping pulitika nang sinubukan umanong kumbinsihin ng mga ito na iatras na ni presidential aspirant Roy Seneres ang kanyang kandidatura pabor kay Davao City mayor Rodrigo Duterte.
Ang tinutukoy ng balita na dalawang mahistrado ay sina Jose Catral Mendoza at Bienvenido Reyes.
Ang dalawang mahistrado, si Seneres at Duterte ay pawang mga miyembro ng San Beda College fraternity na Lex Talionis.
Naganap diumano ang pangungumbinsi ng dalawang mahistrado kay Seneres nitong Biyernes sa isang pagtitipon ng fraternity na dinaluhan din ng dating chairman ng Commission on Elections na si Sixto Brillantes.
Rewind muna.
Tatlong mahistrado rin ng Korte Suprema ang nakulayan din matapos paboran ng mga ito ang disqualification case na isinampa kay Senador Grace Poe na tumatakbo rin sa pagkapangulo, sa Senate Electoral Tribunal.
Isa sa mga ito, si Justice Antonio Carpio, ay nakitaan na ng pagkiling laban kay Poe matapos itong magpahayag na hindi ito natural born Filipino bago pa dinggin ang kaso.
Dahil dito o dahil na rin sa tinamaan marahil ng kahihiyan, nagsabi si Carpio na baka mag-inhibit na sila sa Korte Suprema sa mga kasong disqualification laban kay Poe na ihahain sa kanila.
Nakakatakot ang ganitong nangyayari sa Korte Suprema na inaasahan na dapat ay maging neutral sa lahat ng panahon dahil lahat ng kaso ay posibleng umakyat sa kanila upang sila mismo ang magpataw ng huling desisyon.
Conflict of interest ang malinaw na problemang nakikita natin sa limang mahistradong ito na tila nagpakita na ng kanilang kulay sa publiko, dahilan para pagdudahan ang kanilang integridad sa pagdinig sa kasong kanilang didinggin, lalo pa’t may kinalaman ito sa halalan.
Sa ganitong mga pagkakataon, inaasahan na higit dapat umiwas ang mga kagalang-galang na mahistrado ng Korte Suprema upang sa ganon ay makita ng taumbayan na patas, walang kinikilingan ang bawat desisyong kanilang ibaba.
Dapat ay inilalayo nila ang kanilang sarili sa anumang political activity na siyang maglalagay sa kanilang posisyon, sa buong Korte Suprema, sa alanganin.
Ngayon na limang mahistrado na ang tiyak na pagdududahan ng publiko sa mga kasong kanilang didinggin hinggil sa disqualification cases ni Poe at ni Duterte na posibleng iakyat sa kanila, tanging 10 mahistrado na lang ang posibleng bumoto ng patas sa kaso. E, iyon ay kung hindi pa sila pinagdududahan?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.