Miriam Santiago hindi pa rin tiyak na kandidato
SINABI ng isang political analyst na magiging apat at kalahati lamang ang sinasabing “five-corner fight” para sa pampanguluhang eleksyon sa susunod na taon dahil hindi pa tiyak na kandidato si Sen. Miriam Defensor-Santiago.
Idinagdag ni Institute for Political and Electoral Reform executive director and UP Diliman professor Ramon Casiple na hindi pa niya maisama si Santiago sa mga tatakbo sa pagkapangulo sa 2016 dahil wala pa siyang organisasyon na binuo para sa kanyang kampanya.
“I call it four and a half, ‘yung kalahati si Miriam (Defensor-Santiago). Si Miriam kasi nga I never thought na tatakbo siya. Wala siyang preparasyon, wala siyang observable na ginawa to prepare for her candidacy. Nagsasalita siya at nagre-react sa surveys. But sa probinsiya, wala kang makikita na nangyayari doon na may ‘Miriam organization.’ So may problema siya doon,” sabi ni Casiple
Ayon pa kay Casiple, hindi naman problema sa ibang kandidato ang organisasyon.
“Yung apat talaga ang may kakayahan at nasa posisyon to launch a campaign,” dagdag ni Casiple.
Kabilang sa mga tatakbo sa pagkapangulo sa 2016 ay sina Mar Roxas, Vice President Jejomar Binay, Sen. Grace Poe at Davao City Mayor Rodrigo Duterte.
Idinagdag ni Casiple na may problema rin ang imahe ni Santiago, sa pagsasabing hindi kumbinsido ang ilang mga botante na magaling na ang senador mula sa state 4 lung cancer.
“Ang problem ni Miriam, ‘yung publicized niyang health problem, ay talagang nakadikit na sa kanya. Kahit sabihin niyang okay na ako, siyempre ang mga tao maghahanap agad [ng ebidensiya]. Anong ok eh parang uugod-ugod na, nung nag-file siya ng candidacy niya, parang hirap na hirap. Then ngayon, parang nawawala siya. For a presidential candidate, wala kang nakikitang movement, either sa organizing or sa media,” dagdag ni Casiple.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.