Bea nagpaka-boldstar sa ‘A Second Chance’; John Lloyd napapayag magpasilip ng puwet
MAS mature, mas daring at mas mahirap daw gawin ang “A Second Chance” kesa sa “One More Chance”, ayon mismo sa dalawang bida ng pelikula na sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo.
Mag-asawa na ang magiging role nina Lloydie at Bea sa part two ng “One More Chance” bilang sina Popoy at Basha, kaya kinailangan nilang gawin ang lahat ng ipag-uutos ng kanilang direktor na si Cathy Garcia-Molina para mas maging makatotohanan ang pagganap nila bilang married couple.
Sa presscon ng “A Second Chance” nitong nakaraang Huwebes, sinabi ni Bea na ito na yata ang pinaka-challenging at pinakamahirap na role na ginawa niya sa pelikula, biro nga niya parang gusto siyang i-launch ni direk Cathy bilang “boldstar”.
E, kasi nga, may mga eksena sila ni John Lloyd sa pelikula na kailangan nilang “maghubad” sa harap ng isa’t isa tulad ng ginagawa ng normal na mag-asawa sa tunay na buhay. Pambubuking pa nga ni direk Cathy may isang eksena sa movie na makikita ang pwet ni Lloydie – yan ay kung mabilis ang mata ng manonood.
Kung paano at saang bahagi ng pelikula magpapakita ng kanyang likuran si JLC, ‘yan daw ang inyong abangan. In fairness, matapos ipa-labas ang trailer ng “A Second Chance” ng Star Cinema ay atat na atat na ang mga tagasuporta nina Bea at John Lloyd na mapanood ang kabuuan ng pelikula.
Kasabay naman nito ang pag-amin ni direk Cathy na sa lahat ng pelikulang nagawa niya, ito na raw ang pinakamahirap para sa kanya, bukod pa yan sa matinding pressure na nararamdaman nilang lahat sa nalalapit na showing nito dahil nga alam nilang mataas ang expectation ng madlang pipol sa kanilang pelikula.
Inamin naman ni John Lloyd na ang muli nilang pagtatambal ni Bea sa “A Second Chance” ay isa na namang humbling experience para sa kanya, “Never been better. Parang ito yung pinaka-okay naming naabot.
“Siguro dahil after so many years, eto na yung naabot namin. Kung dati palaging may pag-aalinlangan, ang daming iniisip, ang daming iniintindi. Parang lahat yun nawala. Parang ngayon, kami ni Bea, gusto lang namin magtrabaho.
Gusto lang namin ini-enjoy bawat magkasama kami sa ginagawa namin,” mahabang pahayag ni JLC.
Ang last movie ng dalawa ay ang “The Mistress” habang ang last teleserye naman nila ay ang The Beautiful Affair na umere noong 2012. Napakarami nang nagawang proyekto nina Bea at Lloydie sa loob ng 13 taon pero sumusumpa sila na hindi nauwi sa totohanan ang kanilang relasyon bilang magka-loveteam.
Ayon kay Bea, yun daw siguro ang magic ni John Lloyd, na kahit alam ng mga tao na wala siyang relasyon sa kanyang ka-partner ay nagagawa niyang paniwalain ang mga manonood. Reaksiyon naman ng binata, “Yun talaga ang dream role ko, e.
Makapagbigay ng pleasure sa pinakamaraming babaeng puwede! Ha-hahaha!”” Para naman kay Bea, “With John Lloyd kasi parang kilala ko siya pero parang marami ka paring idini-discover tungkol sa kanya.
Matagal na kaming magkakilala, matagal ko na siyang nakakasama pero every single time na nabibigyan ako ng pagkakataon to work with him ang dami palang bago, ang dami kong bagong nakikita and it’s always a pleasure na makasama siya, na makatrabaho siya.
Siguro tama si Lloydie siguro dahil rin mas nag-mature na kami. Masaya na ‘yung pagsasama namin sa pelikula.” Showing na sa mga sinehan ang “A Second Chance” sa Nov. 25 nationwide. Kasama rin dito sina Beatriz Saw, Dimples Romana, Janus del Prado, Ahron Villena at maramu pang iba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.